Imprenta ng dyaryo sinilaban

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng mga otoridad ang umano’y panununog ng mga armado sa isang imprenta ng dyaryo sa Parañaque City, Lunes ng madaling-araw.

Naganap ang insidente sa palimbagan ng Prague Management Corp. sa Vitalez Compound sa Brgy. San Isidro, ilang minuto bago mag-alas-2, ayon kay Maj. Gen. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office.

Sa naturang establisimyento nililimbag ang pahayagang Abante.

Sinabi sa pulisya ni Marivic Furuganan, security guard ng Prague Management, na tumatanggap sila ng delivery ng mga printing material nang lumapit ang isang grupo ng mga armadong naka-helmet at maskara.

Pinadapa sila ng mga armado, bago binuhusan ng gasolina at sinilaban ng mga ito ang mga makina at naka-file na diyaryo sa production area.

Dalawang empleyado ng Abante ang nasugatan, bagamat mabilis na naapula ng mga bumbero ang apoy kaya naiwasan ang matinding pinsala, sabi ng pahayagan sa isang kalatas.

Nagdulot ang insidente ng humigit-kumulang P50,000 halaga ng pinsala, ayon naman sa ulat ng Bureau of Fire Protection.

Natagpuan sa pinangyarihan ang dalawang galon na pinaglagyan ng gasolina at mahabang lighter na ginamit ng mga salarin, ayon pa sa BFP.

Read more...