Ai Ai nabiktima ng akyat-bahay: Nakapasok siya sa kwarto namin, kinuha ang bag ko

 

NABIKTIMA ng Akyat-Bahay Gang ang mag-asawang Ai Ai delas Alas at Gerald Sibayan nitong nakaraang Biyernes ng madaling-araw.

Pero tanghali na kahapon nang malaman nilang may magnanakaw na nakapasok sa kanilang bahay. Kinuha lang daw ng suspek ang pera sa bag ng komedyana na nakita sa kalsada. Nandoon pa rin ang iba pa niyang gamit kabilang na ang mga ATM.

Natakot si Ai Ai sa nangyari dahil nga nasa isang private village sila pero nakapasok pa rin sa bahay nila ang magnanakaw na umano’y dumaan sa kanilang terrace.

Sa kanyang Instagram account, naikuwento ng TV host-actress ang nangyari kasabay ng pasasalamat sa Diyos na walang nangyari sa kanila ng asawa pati at sa iba pa nilang kasama sa bahay.

Narito ang IG post ni Ai Ai,  “Maraming salamat sa station 6 qc police and 10 SOCO sa tulong nila sa amin ngayun araw na ito, kagabi na nakawan kami maliit lang pero ang stressful nakapasok sya sa kwarto namin at nakuha nya bag ko.

“Tanghali na nung nalaman ko nawawala ang bag ko dahil mag babayad ako sa gumawa ng color and haircut ng nanay ko sa house and nakita ko nalang na nasa kalye ang bag ko sa tabi ng gulong kotse na tagong tago.

“Ipinagpapasalamat ko din na walang nasaktan samen ni gerald. Salamat kay LORD at prinoteksyunan nya kaming mag asawa.

“Mag ingat nalang tayo lahat kasi IBA NA TALAGA ANG BUHAY NGAYUN. Mag-ingat pa din kahit na sa subdivision ka nakatira. #bevigilant #ingatpadinkahitnasasubdivisionkanakatira,” pahayag pa ni Ai Ai.

Dahil sa insidente, balitang pinataasan agad ng komedyana ang kanilang bakod at pinalagyan na rin ng mga CCTV ang paligid ng kanilang bahay.

Read more...