SIGURADONG makaka-relate ang lahat ng kabataan, pati na rin ang kanilang mga magulang sa nakakaintrigang kuwento ng millennial barkada movie na “G!”
Ito’y pagbibidahan ng tatlong Hashtags members na sina McCoy de Leon, Paulo Angeles at Jameson Blake at ang isa sa mga miyembro ng Boyband PH na si Mark Oblea. Ka-join din dito ang Kapamilya youngstar na si Kira Balinger.
Sa ginanap na grand mediacon ng “G!” kamakalawa ng gabi, inamin ng apat na bida na napakarami nilang natutunan habang ginagawa ang pelikula bukod pa sa mas naging close pa sila sa isa’t isa.
Ang “G!” na mula sa CINEKO Productions, ay ang nag-iisang “tropa” movie sa 2019 Pista Ng Pelikulang Pilipino na mapapanood na sa mga sinehan sa Sept. 13.
Ito’y tungkol sa isang binatang (McCoy) football player na may cancer na gustong gawin ang lahat ng mga nasa kanyang bucket list kasama ang kanyang mga kaibigan kabilang na ang magwalwal at magpakaligaya nang walang humpay.
“Ako po si Sam sa movie, isa akong football player. Ang pinaka adventureous sa barkada pero may cancer. Napakarami naming ginawa sa movie na siguradong ikatutuwa ng viewers. Basta ang saya lang, pero challenging. Sobrang ‘talon sa bangin’ yung mga eksena,” kuwento ni McCoy.
Happy din siya na nakasama niya sa isang pelikula ang mga kapwa niya Hashtags na sina Jameson at Paulo, idagdag pa si Mark na. At dahil magkakaibigan sila in real life, naging makatotohanan din ang lahat ng kanilang mga eksena.
“Nakakatuwa, aminin natin sa industriya kadalasan yung shoot, may labanan yan, pagalingan, kompetensya. Ito wala eh, napakita namin yun character namin na iba-iba po,” aniya pa patungkol sa samahan nila.
Kuwento naman ng kanilang direktor na si Dondon Santos, na aminadong super fan ng mga barkada o coming of age movies, lahat ay makaka-relate sa kuwento ng “G!”.
“‘G’ is a series of the good times and bad times, meant to show the value of love, friendship, family, and life. We want to reintroduce the same classic feel in the current filmmaking scene. It is the story of its viewers, reflecting their own struggles and emotions as they come of age,” aniya.
“It’s a very maloko movie, but it’ll touch your hearts. Animated pero the sense of realism is there. At the end of the day you’d want to talk to your best friend,” aniya pa.