ISANG detainee ang namatay matapos diumanong magulpi sa away ng mga kapwa nakapiit sa custodial facility ng pulisya sa Dasmariñas City, Cavite, Miyerkules ng hapon.
Nag-ugat umano ang away sa suplay ng pagkain at tubig, ayon sa ulat ng Cavite provincial police.
Nakilala ang nasawi bilang si Michael Melchor, 44, naaresto para sa kasong may kinalaman sa iligal na droga noon lang Agosto 28.
Ayon sa ulat, dakong alas-5:20 ng haapon ay nag-away ang mga detainee na sina Rodolfo Baui, 26, at Salvador Velasquez, 30.
Nauwi iyon sa suntukan at nagulpi si Melchor, na kinalauna’y nakitang dumaranas ng hirap sa paghinga.
Itinakbo si Melchor sa Pagamutang Lungsod ng Dasmariñas, pero idineklarang patay alas-8:46 dahil sa pinsalang tinamo sa utak, ayon sa pulisya.