Alden binansagang Asia’s Multimedia Star; Maine 2 beses nanood ng ‘HLG’

MAY bagong titulo na ang Pambansang Bae na si Alden Richards – ang Asia’s Multimedia Star. 

Kanina, nag-renew ng exclusive contract si Alden sa GMA 7, ito na ang ikasiyam na taon niya sa Kapuso Network. Ipinakita muna sa entertainment media ang trailer ng bago niyang serye, ang The Gift, bago magsimula ang question and answer.

Mapapanood na ito sa Sept. 16sa GMA Telebabad.

Bukod dito, ibinalita rin ni Alden na may gagawin din siyang pelikula sa GMA Pictures at isang bonggang collaboration project sa pagitan ng GMA at isang TV network sa ibang bansa. 

At ngayon pa lang ay pinaghahandaan na nila ang kanyang 10th anniversary concert next year. Tuloy pa rin daw siya sa pagiging co-host ng Eat Bulaga kahit na may bago na siyang drama series.

Wala namang naikuwento si Alden kung may plano ang network para sa kanila ng kanyang dating ka-loveteam na  si Maine Mendoza. Pero aniya, natutuwa siya dahil nandiyan pa rin ang mga loyal members ng AlDub Nation na patuloy na sumusuporta sa kanila kahit may kanya-kanya na silang projects.

“Doon po ako natutuwa kung gaano ka-mature at mag-take ang mga supporters namin sa ginagawa namin. Although, meron ding hindi payag, yung against sa paggawa namin ng proyekto namin na magkahiwalay.

“Naniwala naman po sila na kailangang gawin yun ng magka-loveteam na magkaroon po ng growth, at yun po ang nangyayari sa aming dalawa,” pahayag ni Alden.

Naikuwento rin ng Pambansang Bae na okay na okay pa rim sila ni Maine, nagpasalamat din siya sa dalaga dahil sinuportahan nito ang “Hello, Love, Goodbye.”

“Sobra po siyang natuwa noong pinanood niya ang pelikula. Nai-share niya po sa akin iyan noong nag-Eat Bulaga! at noong pumunta siya sa storycon ng movie po nila ni Bossing (Vic Sotto) for MMFF.

“Tinanong niya ako paano magtrabaho, paano si Direk Cathy (Garcia Molina). Sabi ko, ‘Ganito siya.’

“Sobrang na-appreciate po ni Maine yung pelikula at nakakatuwa na, with all honesty, na sinabi niya sa akin yun, and dalawang beses niya po pinanood,” pahayag pa ni Alden.

Read more...