Masaklap ang katotohanan

HINAHANGAAN ko ang Gilas Pilipinas at isa ako sa mga hindi mabilang na tagasubaybay na nagnanais na kahit papaano ay maging ‘‘respectable’’ ang kampanya ng mga Pinoy sa 2019 FIBA World Cup na kasalukuyang ginaganap sa Tsina.
Siyempre pa, alam na natin kung ano ang nangyari sa unang dalawang laro ng Gilas.
Umani tayo agad ng dalawang talo at walang cardiac finish na nangyari kundi cardiac arrest ang sinapit matapos ibaon sa kahihiyan ng Italy at Serbia ang ating pambansang koponan.

Hindi rin matatawaran ang kooperasyon na ibinigay ng Philippine Basketball Association (PBA) sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang makabuo ng pambansang koponan ngunit sadyang masaklap ang katotohanan.
Hindi talaga tayo uubra sa world level.
Hindi rin ako galit sa coach ng Serbia na sinabing wala tayo sa pamantayan ng European basketball sapagkat hindi natin maitatago sa aparador ang katotohanang ito.

Sabi ng isang katoto mula sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) na pinamumunuan n Ed Andaya, puro tayo puso ngunit ang ating unang dalawang kalaban ay wala namang mga puso.
Mantakin mong iniwan na tayo ng milya-milya ay todo pa rin ang tapak sa gasolina ng mga Italyano at Serbian laban sa atin. Hindi ko naman sinasabing mali ito bagkus ito nga ang nararapat para maging kampeong ang isang koponan, ang magkaroon ng killer’s instinct, hindi ba?

Kung tutuusin, sakto ang mga sinabi ni Pangulong Duterte bago ang paligsahan. Wala tayong pag-asa kontra Italy at Serbia. Umani ng katakot-takot na batikos si Digong lalo’t sinabi pa niya mas mabuting sa China na lang pumusta.
Pero hindi ako pupusta sa China ngunit hindi naman masamang sabihin na tumama ang bolang kristal ng pangulo.

Malaking karangalan sa atin na makasali sa FIBA World Cup. Ngunit ang masaklap na katotohanan ay talagang hindi tayo uubra sa mga basketball superpower ng mundo.
Yan ang totoo at ang hiling ko sana sa ating mga kasamahan sa midya kabilang ang mga nasa online, radio at telebisyon na punahin ang mga pagkukulang ng koponan at huwag maghanap ng mga dahilan.
Hindi makatutulong sa pambansang koponan kung patuloy na magbibigay tayo ng mga palusot sa masamang kampanya sapagkat nagkakaroon ng maling akala na angat tayo sa iba.
Isa pa, hindi matatawag na bashing sa social media kung ang mga ito naman ay katotohanan. Ipinapakita lang ng mga netizen ang kanilang pagkadismaya sapagkat tunay na bangungot na mahigit sa 50 puntos ang average losing margin kontra Italy at Serbia.

Ang tunay na pagmamahal, sabi nga ng ilang nakakaintindi, ay ang pagsasabi ng totoo. Nakikita ang tunay na karakter ng isang tao o ng isang koponan tulad ng Gilas kung paano ilang ulit na bumangon matapos ang paulit-ulit na pagbagsak.

Let’s be realistic. Wala tayong problema sa Southeast Asia kung basketbol ang pag-uusapan ngunit may problema tayo sa Asia dahil na rin sa China, Iran at South Korea.
Hindi masamang mangarap ngunit nasa basement tayo samantalang nasa penthouse ang ating mga kalaban at nangangarap tayo na makapasok sa Olympics.

Sa aking palagay, dapat na ituon ng SBP ang pansin sa pagiging numero uno sa Asia. Ito na lang muna dahil kapag nangyari ito ay magiging mahimbing ang tulog ng basketball-crazy Pinoys.

(P.S. Pakipalitan na si Andray Blatche na halatang hindi na kayang makipagsabayan sa bankala. Sabi nga ng tambay sa kanto na mahilig sa basketball: Hila-hila na ni Blatche ang kanyang mga paa.)
Batang Pinoy tagumpay

Hindi nakaligtas sa pagbuhos ng malakas na ulan ang Batang Pinoy National Finals na ginanap sa iba’t-ibang lugar sa Puerto Princesa City, Palawan.
Ngunit sa pagbuhos ng ulan ay lalo pang naging inspirado ang mga batang manlalaro upang makuha ang mga medalyang ginto.

Sa ikatlong pagkakataon ay naging overall champion ang Baguio City at ito ay may kaukulang pabuya mula sa Philippine Sports Commission. Nakita ko sa Batang Pinoy ang pag-asa ng Philippine sports at pinatibay ng paligsahan ang kooperasyon sa pagitan ng Local Government Units at ng PSC na sa ilalim ni Butch Ramirez ay tinututukan ang grassroots level.

Malayo pa ang biyahe ng mga batang manlalaro ngunit sa tamang gabay, suporta kabilang ang nutrisyon at ang pagkakaroon ng sapat na mga kagamitan ay asahang hindi magiging tag-tuyot ang bansa kung tutukuyin ang pagkakaroon ng mga sporting heroes.

Matapos ang Batang Pinoy ay nag-trabaho rin ang Philippine Sports Institute Sports Mapping Action Research Talent Identification (SMART ID) program. Napili ang 1,571 atleta sa programa. Random ang pagpili. Ginawa ang programa upang magamit ang mga impormasyon balang araw.

Read more...