Bus vs SUV: 1 patay, 3 sugatan

ISANG matandang lalaki ang nasawi habang tatlo pang tao, kabilang ang isang sundalo, ang nasugatan nang makasalpukan ng sinakyan nilang sports utility vehicle ang pampasaherong bus, sa Ragay, Camarines Sur.

Dead on arrival sa ospital si Lydio Jesalba, 69, isa sa mga pasahero ng Isuzu Altera SUV, ayon sa ulat ng Camarines Sur provincial police.

Sugatan naman si Bienvenido Rubis Jr., 36, miyembro ng Army at siyang nagmaneho sa Altera; misis niyang si Jonalyn, 37; at anak nilang si Viena Yvonne, 2.

Naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi sa bahagi ng Rolando Andaya Highway na sakop ng Brgy. Binahan.

Minamaneho ni Rubis ang Altera (TAQ-886) patungong Tagkawayan, Quezon, nang makasalpukan ang Philtranco bus (AJA-4879) na dala ni Rey Dalhog, 36.

Lumabas sa imbestigasyon na nakatulog ang driver ng Altera kaya lumipat sa kabilang lane, kung saan ito naka-“head on collision” ang bus, ayon sa ulat.

Dinala ang mga sakay ng Altera sa Ragay District Hospital pero di na umabot nang buhay si Jesalba.

Walang nasugatan sa mga sakay ng bus, habang ang driver nito’y dinala sa istasyon ng pulisya para sa karagdagang imbestigasyon.

Read more...