PATAY ang isang konsehal ng San Jacinto, Pangasinan, matapos barilin ng di pa kilalang salarin sa loob ng kanyang sasakyan, Linggo ng gabi.
Ikinasawi ni Councilor Virgilio Calizo Jr., 42, ang tama ng bala sa ulo, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.
Naganap ang pamamaril dakong alas-7, sa Brgy. Imelda.
Sakay si Calizo at asawang si Grace ng L300 van at huminto noon sa isang tindahan sa naturang barangay para bumili ng inuming tubig.
Lumabas si Grace para bumili at, habang hinihintay nila ang kaanak na uupa sa kanilang catering service, ay nilapitan at binaril ng di kilalang tao si Calizo, ayon sa ulat.
Dinala si Calizo sa Medical Centrum ng Dagupan City, ngunit binawian ng buhay habang nilulunasan.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng salarin, na tumakas sakay ng motorsiklo matapos ang insidente.