Pakiusap ni Ice Seguerra: Sa mga kaibigan ko, huwag n’yo kaming pagtawanan

ICE SEGUERRA AT LIZA DIÑO

MALALIM ang hugot ng transman na si Ice Seguerra tungkol sa isyu ng pagbibigay ng comfort room para sa LGBTQ community.

Sa kanyang Facebook account, inilabas ng award-winning OPM singer ang kanyang saloobin sa pagkakaroon ng separate CR para sa mga tulad niyang transgender na naging biktima rin ng pambabastos at pambu-bully sa paggamit ng CR.

Ayon sa asawa ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Dino, kaisa siya sa mga nagsusulong ng inclusive restroom policy ng mga miyembro ng LGBTQ.

Narito ang kabuuang FB status ni Ice about this issue: “Sa totoo lang, and I am 100% sure, marami na pong transgender people ang nakakasama ninyo sa comfort rooms. Hindi niyo lang alam or napapansin because they have already transitioned (nakakapag take na ng hormones, probably gender reassignment surgery). 

“Hindi kayo maiilang because they already look female or male. Ika nga, nakapag ‘blend in’ na sila sa mata ng mga tao. Before this issue came out, wala naman kayong naririnig na mga transpeople harrassing other people in comfort rooms.

“Because we go there for the very same reason na nagbabanyo kayo. Kailangan namin umihi at dumumi, mag re-touch at magpapogi.”

Pagpapatuloy pa niya, “The comfort room issue is a concern for those of us who haven’t fully transitioned. Concern ito for those of us who know we are transgender but are being clocked (or looked at) because our features don’t look man or woman enough sa standards ng karamihan. Like I said, it is a concern that one cannot fully understand unless you’ve been in this position.”

Nasasaktan din si Ice kapag may mga kaibigan siyang beki at tomboy na kumokontra sa mga transgender na nagde-demand ng kanilang equal rights. 

 “Pinagtatawanan kami, posting memes, and worse, speaking up against supporting the SOGIE Bill kasi hindi naman daw nila naranasan ang diskriminasyon so hindi nila kailangan.

“Swerte kayo kasi whenever you feel like going to the toilet, you can easily go without people questioning you. Hindi niyo kailangan magpigil uminom ng tubig pag nasa labas kasi may trauma ka na mag banyo.

“Swerte kayo. Pero hindi lahat swerte. Hindi lahat may boses at impluwensiya kagaya ninyo. Hindi lahat ay kayang tumayo at ipaglaban ang sarili nila. Swerte po kayo. Paano yung mga hindi?” paliwanag pa ng singer-actor.

At dahil dito, payag na payag siya sa implementation ng gender-neutral comfort rooms, “We are not disregarding your feelings or reservations about this issue. Kaya nga ang hiling namin ay sana may gender-neutral comfort rooms din. Para walang mailang on both sides. And siguro, malawakang pag intindi sa kung ano ba ang kaibahan ng sexual orientation at gender identity.

“So to my dearest straight and LGBT+ friends, don’t laugh at us. This issue may not concern you personally but it doesn’t discount the fact that we are here, there’s a lot of us and we go through this everyday,” chika pa ni Ice.

Mas uminit ang issue tungkol sa pagsasabatas ng SOGIE (Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality) bill matapos arestuhin ang transwoman na si Gretchen Diez dahil lamang sa paggamit ng CR ng babae.

Read more...