ISA sa mga importanteng bahagi ng katawan ay ang atay.
Marami itong tungkuling ginagampanan gaya nang pagsala at pagtanggal ng mga toxins sa mga pagkaing kinakain ng tao, pag-metabolize ng carbohydrates, fats at proteins; pagtunaw ng mga imbak na pulang selula ng dugo, at marami pang iba. Kaya nararapat lamang na pangalagaan ito upang mapanatiling malusog at ligtas sa sakit.
Naririto ang ilang mga pagkaing makabubuti para sa atay:
1. Madadahong gulay
Bukod sa ito ay masarap, mura at masustansiya, ito ay makatutulong sa paglilinis ng atay dahil sa taglay nitong mga bitamina, mineral at iba pang masustansiyang sangkap.
2. Kamatis
Nagtataglay ito ng lycopene na panlaban sa iba’t ibang uri ng cancer at mayroon ding glutathione na makatutulong sa pag-detoxify ng atay.
3. Luyang dilaw (turmeric)
Ito ay may anti-inflammatory property na makatutulong upang maiwasan o malabanan ang anumang impeksyon o sakit na makaaapekto sa atay.
4. Lemon
Bukod sa ito ay mayaman sa Vitamin C na tumutulong upang malinis ang mga toxins sa katawan, ito rin ay tumutulong upang bawasan o mapababa ang cholesterol sa atay at mapanumbalik ito sa magandang kundisyon.
5. Olive oil
Ang mabuting nagagawa ng olive oil ay hinihigop nito ang mga toxins sa katawan at tuluyan itong tinatanggal. Dahil dito, maiiwasan ang pagkakaroon ng mga harmful chemicals sa katawan na maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng sakit.