MADALAS na payo sa mga broken hearted ay mag-move on na.
Pero hindi palaging nakaka-move on dahil minsan talagang broken ang heart ng isang tao.
Kamakailan ay namatay ang 93-anyos na si Betty Monrue matapos siyang tamaan ng broken heart syndrome o takotsubo syndrome.
Ninakawan si Monrue ng tatlong lalaki na nagpakilalang mga pulis. Kinuha ng mga salarin ang relo ng kanyang mister at kanyang mga alahas at pera.
Hindi naka-move on kaagad sa kanyang karanasan si Monrue na nagkakaroon ng masasamang panaginip at hirap maka-tulog. Makalipas ang ilang buwan ay pumanaw si Monrue.
Ang broken heart syndrome ay ang panghihina ng kaliwang chamber na siyang nagpapadaloy ng dugo na nagreresulta sa severe emotional o physical stress.
Tinatawag din itong takotsubo syndrome—ang ibig sabihin ng takotsubo ay “octopus pot” sa Japanese.
Ang kaliwang ventricle ng puso ay nagiging hugis paso na kumikipot ang isang bahagi at nagmumukhang galamay ng octopus.
Dahil kumikipot ang daluyan ng dugo nahihirapan ang puso na magbuga ng dugo paikot sa katawan.
Mas marami umanong babae na naaapektuhan ng broken heart syndrome kaysa sa lalaki at hindi namamana ang sakit na ito.
Sintomas
Ang karaniwang sintomas ng sakit na ito ay pananakit ng dibdib, hirap o kinakapos sa paghinga, pagkawala ng malay-tao, palpitation, pagkahilo, at pagsusuka.
Sanhi
Wala pang partikular na natutukoy kung ano ang sanhi ng sakit na ito pero batay sa mga naitalang kaso nagkaroon ng sakit na ito ang mga pasyente matapos magkaroon ng emotional o physical stress.
May mga pasyente na nagkaroon nito matapos makaranas ng domestic abuse, panggugulpi, surgery, asthma attack, trahedya o sakuna gaya ng lindol at malaking pagkakautang.
Gamot
Maaaring matukoy kung ang isang tao ay may broken heart syndrome sa pamamagitan ng ECG at blood test. Kapag lumabas sa ECG ang mga senyales ng heart attack, susundan ito ng angiogram kung saan titingnan ang daluyan ng dugo at dito madidiskubre kung nagbago ang hugis ng left ventricle.
Walang gamot para sa takotsubo pero maaaring bumalik sa normal ang hugis ng left ventricle na siyang magiging paggaling ng pasyente.
Maaari ring muling magkaroon ng takotsubo ang isang tao. Sa pag-aaral 10-15 porsyento ang muling nagkaroon nito.