“KUNG wala siyang Alma Moreno noon, baka naging kami!” Ito ang inamin ni Sylvia Sanchez tungkol sa naudlot na love story nila ni Joey Marquez.
Totoong crush na crush ni Ibyang si Tsong Joey noong kabataan nila, at mas lalo pa raw niyang nakilala ang aktor nu’ng magkasama sila sa ilang pelikula.
“Siguro kung wala siyang Alma nu’ng time na yun, and nu’ng time na yun pumapasok na rin si Art (Atayde). Siguro kung wala talaga, naging kami,” pag-amin ni Sylvia sa panayam ng Tonight With Boy Abunda.
“Ay oo naman (nagka-crush). Nu’ng time na pagpasok ko, sila yung sikat, siya, si Richard (Gomez). Richard is gwapo, Tsong is gwapo pero ang lakas ng appeal niya. Iba yung Joey Marquez,” papuri pa ng award-winning actress sa leading man niya sa latest Kapamilya series na Pamilya Ko.
Hirit naman ni Joey, “They may have all the looks, I got the sex appeal.”
Papuri naman niya kay Ibyang, “Napakaganda niya talaga, napaka-sexy, napakaputi at saka madaling pakisamahan.”
Nakakaloka naman ang chika ni Ibyang tungkol sa kapilyuhan ni Tsong, “Naninilip yan. Siyempre nakikita ko yun. Ha-hahaha!”
Sinabi rin ni Joey na kung wala silang mga karelasyon noon ay posibleng naging sila ni Ibyang, “Pero baka hiwalay na rin kami ngayon.”
“Naku, buti na lang hindi kami naging kami kasi sobrang chickboy siya, eh ako matapang talaga ako. Nagsuntukan na siguro tayo, hiwalay na tayo ngayon,” pahayag pa ni Ibyang. Sa katunayan, inaanak ni Tsong ang anak niyang si Arjo.
Happy na rin si Joey sa partner niyang si Malou Quintana. Almost six years na sila at napag-usapan na rin nila ang pagpapakasal, “We did. Pero mas priority ko kasi… kinukuha ko muna ang approval ng mga anak ko. And it seems all my children love her,” lahad ni Tsong Joey.
Samantala, dahil sa magandang relasyon nila bilang magkatrabaho at magkaibigan ni Ibyang kaya naging natural at makatotohanan ang pagganap nila bilang mag-asawa sa upcoming teleserye nilang Pamilya Ko.
Ang seryeng ito ay magpapakita sa mga pagsubok na hinaharap ng bawat pamilya—mula sa pagtataksil, away-kapatid, at trahedya—at ang mga bagay na magbubuklod sa kanila—pagpapatawad, pagtanggap, at pagmamahal.
Simula sa Sept. 9, sundan si Chico (JM de Guzman), ang kanyang mga magulang na sina Fernan (Joey) at Luzviminda (Sylvia), at ang kanyang mga kapatid—sina Beri (Kiko Estrada), Apol (Kid Yambao), Persi (Jairus Aquino), Peachy (Maris Racal), Lemon (Kira Balinger), Cherry (Mutya Orquia), at Pongky (Raikko Mateo)—sa kanilang pagharap sa mga problemang susubok sa kanilang pagmamahal sa pamilya.
Responsableng panganay na anak si Chico, ngunit isang trahedya ang maglalayo kay Chico mula sa kanyang pamilya na siya ring dahilan para ilagay siya ng kanyang mga magulang sa pangangalaga ng kanyang lolo at lola.
Sa kabila ng malagim na nakaraan, susubukan pa rin ni Chico mapalapit sa kanyang magulang at mga kapatid. Pero agad ding mauudlot ang kanilang saya dahil isang sikreto ang mabubunyag na gugulo sa kanilang buhay: may ibang babae ang kanilang amang si Fernan.
Dito uusbong ang ibat’ ibang problemang susubok sa katatagan ng pamilya Mabunga at maging sa pagkatao ni Chico. Puno man ng pagsubok, makakasama naman ni Chico si Betty (Arci Muñoz), ang matalik niyang kaibigan na kasangga niya sa lahat ng laban.
Mapanatili pa rin kaya ang pagmamahal sa kanilang puso at pilitin pa ring mabuo ang kanilang pamilya?
Kasama rin sa Pamilya Ko sina Irma Adlawan at Alyssa Muhlach, sa direksyon ni Raymund Ocampo. Mapapanood na ang Pamilya Ko sa Sept. 9bago mag-TV Patrol.