DALAWANG lalaki ang sugatan nang bumagsak ang pinapalipad nilang eroplano malapit sa dalampasigan ng Nasugbu, Batangas, Sabado ng hapon.
Dinala sa ospital si Capt. Eugene Avila, 65, at kanyang co-pilot na si Capt. Armando Ducat, 25, para malunasan, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Naganap ang insidente malapit sa dalampasigan ng Brgy. Papaya, dakong ala-1.
Pinapalipad nina Avila at Ducat ang PA 23-250 Piper Aztec multi-engine plane mula Cuyo, Palawan, patungong Sangley Point, Cavite, nang bumagsak sa dagat ang eroplano at lumubog sa lalim na 17 metro, ayon sa ulat.
Nasagip ng mga mangingisda ang dalawa, na pagdaka’y dinala sa Jabez Medical Center dahil sa “minor injuires,” ayon sa pulisya.
Sinabi sa pulisya ng mga piloto na dumanas ng “fuel system failure” ang eroplano kaya ito bumagsak.