PUERTO Princesa City – Siniguro ng defending champion Baguio City ang kanilang pagkapit sa kampeonato matapos na pagharian ang overall medal standings sa pagtatapos ng 2019 Batang Pinoy National Finals sa Puerto Princesa City Coliseum dito.
Ang Baguio City na siya ring kampeon sa 2018 Batang Pinoy National Finals at sa 2016 edisyon ay humakot ng kabuuang 61 golds, 45 silver at 66 bronze medal sa huling medal tally.
Humakot ng gintong medalya ang Baguio City sa mga sport na wushu at muay thai sa huling dalawang araw ng kompetisyon gayung wala sa top five ang naturang local government unit (LGU) sa mga unang araw ng kompetisyon kung saan ang Cebu at Laguna ang may hawak ng liderato.
Sina Jether Bab-ange sa 10-11 kilograms boys, Azreal Duping sa 10-11 34 kgs boys, Charlwayne Bannagao sa 10-11 38 kgs boys, Edel Alingina sa 12-13 48 kgs boys, Krisna Malecdan 12-1340 kgs girls, francine Jade Velasco sa 14-15 38kgs girls at Ashelene Kia Mlecdan 14-15 54 kgs girls ang siyang naging pambato ng Baguio sa muay thai.
Sa iba pang resulta, nanaig ang Cebu City sa triathlon at duathlon kung saan si James Carlo Flores ng Talisay, Cebu ang kumuha ng ginto sa boys 11-12 duathlon sa itinalang oras na 24:37.
Sinundan ito ng ginto buhat naman kay Matthew Justine Hermosa na naghari sa boys 13-15 sa oras na 33:22.
Sa basketball, pinadapa ng Dasmarinas, Cavite ang Mariveles, Bataan sa iskor na 101-85 upang kunin ang gintong medalya habang nanaig din ang nasabing LGU sa chess matapos na kumuha ng ginto sina Jerlyn Mae San Diego at Mark Jay Bacojo sa blitz 13 to 15 sa girls and boys category.
Tatlong gintong medalya ang naibulsa ni San Diego, na siyang ring nagreyna sa rapid at standard events.
Ang nasabing kompetisyon na inorganisa ng Philippine Sports Commission at suportado ng Milo ay nagtapos Sabado ng hapon sa isang closing ceremony na ginanap sa Puerto Princesa City Coliseum.