Oo, nahirapan akong idirek si XIAN, marami kasing nagsasabi na hindi siya magaling umarte! – JOYCE BERNAL

Sobrang busy ni Bb. Joyce Bernal kaya tinanong namin siya kung paano niya naisingit ang launching movie nina Kim Chiu at Xian Lim na “Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo” mula sa Star Cinema.

“E, gusto kasi ng Star Cinema at saka na-meet ko kasi si Kim sa New York, nu’ng nagpunta ako roon kasi sinamahan ko si Piolo (Pascual) tapos may Star Magic event sila roon,” sagot ni direk Joyce.

Sosyal naman ni direk Joyce, sa laki ng ABS-CBN sa ibang bansa pa sila nagkakilala? “Hindi kasi kami nagmi-meet at nagkikita bilang hindi naman ako masyadong nagdidirek sa Star Cinema.

Nagustuhan ko ang pagkatao niya,” kuwento ng direktor. Wala raw masyadong alam si Joyce sa aktres, “Wala akong ideya kasi ang alam ko lang, nanalo siya sa PBB tapos contortionist siya, ‘yun lang ang alam ko.”

At mas lalo raw walang alam si direk Joyce kay Xian, “Lalo na kay Xian kasi wala siya sa radar ko, eh,” pag-amin nito. Kaya kami nagka-interest na tanungin ang direktor ng “Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo” tungkol sa ka-loveteam ni Kim.

Bago pa man namin nakatsikahan si direk Joyce kasama ang ibang katoto ay ibinuking na niya sa question and answer portion ng presscon para sa nasabing pelikula na malakas kumain si Xian at pang-dalawang tao raw ang pagkain nito, “Lahat ng baong pagkain ni Kim (sa set), inuubos niya.”

At nang magkuwento na si direk Joyce pagkatapos ng presscon ay marami na kaming nalaman tungkol sa pagkatao ni Xian Lim.
“Hindi siya masyadong marunong makihalubilo, kasi silang dalawa lang ng nanay niya sa mundo nila, so hindi siya marunong (sa tao), may times nga na nu’ng birthday ni Kim, may press (interview), tinanong-tanong siya ganu’n tapos after wala na ‘yung press, hindi na niya alam ang gagawin niya, e, nandoon lang ako sa isang gilid tapos sabi niya, ‘Direk, puwede ba akong sumama sa ‘yo? Hindi ko talaga alam paano maki-party.’

“Sabi ko naman, ‘Hindi naman halata sa itsura mo, kuha kang wine.’ So, inutusan ko siya (kumuha ng wine). Hindi niya alam ‘yung social skills kung paano lalo na sa showbiz,” pagtatapat ni Bb. Joyce.

Bukod dito ay nakarating na rin pala lahat sa direktor ang mga negatibong komento sa binata, “Si Xian nahirapan akong idirek because of the fact na ang daming nagsasabing hindi siya magaling umarte, ang daming judgement on him, nahirapan ako kasi pressured na pressured na ako, I just want him to relax.

Sabi ko sa kanya, ‘Relax, hindi ka gagawa ng pelikula para may patunayan ka sa lahat ng nagsasabi sa ‘yo na hindi ka magaling.  Kung hindi ka magaling, hindi ka talaga magaling, hindi ko kayang ibigay ‘yun.’”

Ano naman ang napatunayan niya sa binata, “Napatunayan ko na he’s natural, hindi siya puwedeng umarte ng beyond ng hindi niya kaya, so musikero siya, nandito siya sa mundo niya sa pagiging musikero.

Marami na kasi ang nagsasabing how he will be, eh.” Marami pa kaming napag-usapan ni direk Joyce tungkol sa aktor, bukas ang ilan pang pambubuking ng direktor sa leading man ni Kim.

Read more...