Pera-pera lang ang nasa isip ng isang aktres. Wala siyang pakialam kung may masagasaan siyang tao kahit na malaki ang naitutulong ng mga ito sa kanya.
Madalang ang offer na pelikula sa aktres dahil hindi na siya masyadong mainit pero nakakapag-deliver pa rin naman. At dahil pamilyadong tao kaya kailangan niyang kumayod.
May kaibigan siyang involved sa production na nagrekomenda sa kanya sa isang pelikula kaya naman tuwang-tuwa ang aktres dahil malaking tulong iyon sa kanya in terms of finances at exposure.
Pero nabaliw ang kaibigang nagrekomenda dahil nagbigay ng cut-off time ang aktres na ilang oras lang siya sa shooting at kailangan na niyang umalis. Na-delay kasi siyang kunan dahil may mga pangyayaring hindi maiwasan.
Sa pagkakaalam namin ay reasonable naman ang dahilan ang pagkaka-delay ng shooting pero hindi ito pinansin ng aktres at nag-alburoto at gusto nang umalis kaya kinausap siya ng kaibigang nagrekomenda sa kanya pero ipinagpilitan pa rin niya ang gusto niya.
Walang nagawa ang kaibigan kundi sabihing dadagdagan na lang ang talent fee niya. Pumayag naman ang aktres pero nagbigay ulit ng cut off time. Ang siste, umabot uli ang shooting sa cut-off time kaya nagmarakulyo na naman si aktres.
Nagparamdam ito sa production na dagdagan na lang uli ang bayad sa kanya pero hindi na siya nagtagumpay. Kinausap na siya nang masinsinan ng kanyang kaibigan hanggang sa napapayag.
Kumalat ang dramang ito ng aktres kaya huwag na siyang umasa na dadami pa ang projects niya. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi na rin siya kinuhang guest sa isang teleserye.