Janno etsapwera sa ASAP, Showtime; bawal umapir sa mga show ng ABS-CBN?

JANNO GIBBS, ANDREW E AT DENNIS PADILLA

“WASN’T invited.” Ito ang kaswal na sagot ni Janno Gibbs sa tanong sa kanya ng netizen (@lpinlacpadua) kung bakit wala siya sa Tonight With Boy Abunda kamakalawa ng gabi.

Sina Dennis Padilla at Andrew E lang ang nasa TWBA para sa promo ng pelikula nilang “Sanggano, Sanggago’t, Sanggwapo” handog ng Viva Films na mapapanood na sa Set. 4 nationwide.

Nag-post kasi si Janno sa Instagram niya ng, “Thanks for watching My Kumpares Andrew and Dennis promoting our movie on Minute to Win it, Showtime, TWBA and this Sunday on ASAP. #SangganoSanggagotSanggawapoShowing Sept 4 in cinemas.”

So, ibig sabihin hindi talaga mapapanood si Janno sa ilang programa ng ABS-CBN para sa promo ng reunion movie nila nina Dennis at Andrew? May issue ba siya sa Kapamilya Network.

May isa siyang follower ba nagkomentong, “So wala ka na talagang TV career? Kasi di ka pwede sa ABS and GMA?” Na sinagot lang ng komedyante sa pamamagitan ng sad face emoticon.

Ano nga kaya ang tunay na dahilan bakit hindi isinama si Janno sa TV promo ng “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo”? Pinagbabawalan ba siyang tumuntong sa Kapamilya network?

Matatandaang naglabas ng sama ng loob si Janno nu’ng nakaraang taon sa ABS-CBN nang hindi siya napasama sa Christmas station ID ng network.

Tanda namin nu’ng nagtanong kami sa taong in-charge rito ay nabanggit na pawang may regular TV shows lang ang mga kasama sa station ID shoot. Nabanggit pa na sa Star Music lang ang kontrata ng aktor.

At ngayon, dito nga sa TV promo ng pelikula ng Viva na si Janno mismo ang nakaisip na magsama-sama uli silang tatlo nina Dennis at Andrew ay siya pa ang nawala sa eksena.

Nagtanong kami sa isang taga-Viva na in-charge sa promo ng pelikula pero wala raw siyang pero nakapag-guest naman daw si Janno sa Banana Sundae na ieere sa Set. 8. Bukas ang pahinang ito para sa paliwanag ng ABS-CBN.

Read more...