KASABAY ng mga umiinit na eksena sa horror-suspense-drama series ng GMA na Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko ang mga bagong pasabog ng programa sa mga susunod na episode.
Una na nga rito ay ang pagpasok ng tatlong bagong karakter sa kuwento na ginagampanan nina Rodjun Cruz, Boboy Garrovillo at Rey Abellana.
Si Rodjun ay si Ben, dating seminarista na lumabas sa seminaryo at hinanap ang tunay na gusto sa buhay.
Siya ang selosong boyfriend ng karakter ni Kim Domingo.
Ang singer-actor namang si Boboy naman ay gaganap bilang si Father Darian, dating guro ni Ben sa seminaryo na isang exorcist. Si Rey PJ naman ay si Ross, isang spirit questor na may kakayahang kausapin ang mga kaluluwa.
Silang tatlo ang tutulong kay Yvie (Megan Young) at sa asawa niyang si Matteo (Rayver Cruz) na itaboy ang naghihiganting kaluluwa ni Naomi (Kris Bernal) mula sa kanilang ancestral house.
Samantala, sa pagpapatuloy ng kuwento, hindi pa rin titigil si Naomi hangga’t hindi niya nakukuha si Matteo. Pero hindi rin titigil si Yvie na protektahan ang kanyang pamilya mula sa kasamaan ni Naomi.
Lalaban siya nang sabayan kahit na nga multo na ang kanilang kalaban.
Siguradong ikagugulat n’yo ang mga susunod na gagawin ni Naomi para makuha muli si Matteo at para mawala nang tuluyan sa mundo si Yvie. Kayanin kaya nina Fr. Darian at Ross ang powers ni Naomi para tuluyan nang matahimik ang kaluluwa nito o baka sila ang biglang mauwi sa hukay?
Huwag na huwag palalampasin ang mas tumitindi pang labanan at agawan sa laging trending na Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.