MAY namamagitang hidwaan ngayon sa isang hunk actor at sa kanyang ina. Nagkaroon sila ng argumento dahil sa pakikialam ng ina sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanyang anak.
Pahupa na sana ang isyu pero biglang pumasok sa eksena ang ina ng hunk actor, kaya ayan, muling nagdingas ang kuwentong nakapahinga na sana.
Kuwento ng aming source, “Hindi na sana kikibo ‘yung male personality, naiintindihan niya naman na idinepensa lang siya ng mommy niya sa mga pang-uupak na inaabot niya ngayon sa social media.
“Kaya lang, nalaman nu’ng male personality na mismong mommy pa pala niya ang naghanap ng mag-iinterbyu sa kanya. Hindi pala totoong nananahimik lang si madir sa kanilang bahay, pero kinukulit siya ng mga reporters.
“Ang nakarating na impormasyon sa guy, e, mismong ang mommy pa niya ang naghanap ng makakausap niya para maglabas ng mga sama ng loob tungkol sa mga nangyayari sa anak niya!
“Ayun! Nagkaroon sila ng pagtatalo sa phone, hindi ikinatuwa ng anak ang ginawa ng mommy niya, kaya may gap sila ngayon,” unang chika ng aming impormante.
Naging taklesa pa ang mommy ng hunk actor, ibinunyag nito na madalas nilang pag-awayan ng kanyang anak ang isang aktres, kaya nabuhay uli ang kontrobersiyang parang bagyong pahupa na sana ngayon.
Patuloy ng aming source, “Maraming nagagalit kay mommy ngayon, pinakakain siya ng apdo ng mga supporters ng female personality na sinasabi niyang hindi niya gusto nu’ng karelasyon pa ng anak niya.
Ang tanong ng mga fans ng girl, bakit, gusto rin ba naman siyang maging biyenang-hilaw ng female personality?
“Naku, sa halip na tumamlay na ang kuwento, e, nagsanga-sanga pa lalo ngayon, kasi nga, nakisali pa sa gulo ang mommy ng male personality.
“Nakakatikim din siya ngayon ng mga bira mula sa mga fans ng young actress na nali-link sa anak niya ngayon. Hindi rin daw sila magtatagal, hula pa ni mommy, kaya rambol na ito!” chika ng aming source.
Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, ito ang blind item na wala nang kailangang clue dahil bigay na bigay na kung sinu-sino ang mga sangkot sa kuwento.