NAKARANAS ka na ba ng pangangasim ng sikmura o paghapdi nito? Kadalasan ay nakararamdam ang isang tao ng paghapdi ng sikmura tuwing siya ay nalilipasan ng gutom o di kaya ay dahil sa stress.
Gumagawa kasi ang sikmura ng sobrang asido na nagiging dahilan para sumakit ito.
Narito ang ilang paalala na dapat mong tandaan para makaiwas sa pangangasim o paghapdi ng sikmura:
1. Kumain sa tamang oras. Kung maaari kumain ng pakonti-konti pero madalas kada araw. Kahit abala sa trabaho, huwag kalimutang kumain sa tamang oras.
2. Kumain ng saging at tinapay. Masustansiyang pagkain ang saging maliban sa madali itong baunin at kainin tulad ng tinapay.
3. Uminom ng tubig. Malaking tulong ang pag-inom ng tubig sa pagbawas ng asido sa tiyan. Ang tamang pag-inom ay ang paglagok ng kaunting tubig kada 20 minuto at sa ganitong paraan mahuhugasan at malilinis ang asido sa tiyan.
4. Umiwas sa mga pagkain na nakahahapdi ng tiyan. Kung maaari iwasan ang pagkaing maasim at maanghang o spicy. May mga pagkain kasi na sadyang nakakahapdi ng tiyan.