MAGSISIMULA na ang bakbakan ng kabuuang 6,000 atleta buhat sa 234 local government units (LGUs) sa pagbubukas ng 2019 Batang Pinoy National Championships ngayong Linggo ng hapon sa Ramon V. Mitra Sports Complex sa Puerto Princesa City, Palawan.
Dakong alas-3 ng hapon gaganapin ang opening ceremony.
Mismong si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez, kasama ang kanyang apat na commissioners na sina Ramon Fernandez, Celia Kiram, Charles Maxey at Arnold Agustin ang magpapasinaya sa isang linggong kompetisyon.
Dadalo rin bilang panauhing pandangal para sa opening ceremony si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na magbibigay ng mensahe para sa mga kabataang atleta.
Inimbitahan din sa nasabing multi-sport event sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher “Bong” Go bagamat hindi pa kumpirmado ang kanilang pagdalo.
Magtatagisan ng galing ang mga atletang nagwagi sa mga isinagawang qualifying leg sa Luzon leg na ginanap sa Ilagan, Isabela, ang Visayas leg na ginanap sa Iloilo City at ang Mindanao leg na ginanap sa Tagum City, Davao del Norte.
Kabuuang 31 sports ang nakatakdang paglabanan dito kung saan 20 sports dito ay mga qualifying events habang ang 11 sports naman ay diretso na sa finals kabilang na ang centerpiece event na athletics at swimming pati na ang archery, arnis, badminton, baseball, basketball, beach volleyball, boxing, chess, dancesport, futsal, karatedo, pencak silat, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, tennis at volleyball.
Pipili ang PSC buhat sa mga magwawaging atleta na maaaring isama sa Philippine Team na isasabak sa Children of Asia Games sa Russia sa susunod na taon.