NI-RETWEET ng netizen na si @jstAFuckingFan ang sinulat namin dito sa BANDERA tungkol sa isyu ni Morissette sa kanyang tatay na si G. Amay Amon.
Ayon kasi sa aming source, hindi totoong nagtanan at nakipag-live in si Morissette sa boyfriend nitong si Dave Lamar tulad ng pinalalabas ng kanyang ama, base na rin sa mga ipinost nito sa Twitter.
Bukod dito, sinaktan din umano ang Kapamilya singer ng kanyang tatay na isa sa mga sinasabing dahilan kung bakit nagdesisyon na siyang umalis sa kanilang bahay.
Ayon naman sa netizen na nag-comment sa isinulat namin tungkol sa issue, tanungin daw namin ang source kung ano ang nasa likod ng kuwentong sinaktan si Morissette ng daddy niya at ilabas din ang bank details tungkol sa iniwan ng dalaga na P40 million para panggastos ng pamilya niya.
Nasulat namin na walang katotohanan ang sinasabi ng ama ni Morissette na sumama siyang magtanan sa boyfriend dahil ang totoo ay nakikitira ang singer kay Audie Gemora isa sa may-ari ng Stages sa isang sosyal na subdibisyon sa Makati City.
Tanungin din daw namin ang source tungkol sa P40 million na ibinigay ni Morissette sa magulang.
Sabi pa ni @jstAFuckingFan tungkol sa pananakit umano ni G. Amon sa anak, “Sinaktan issue? Alin dun ‘yung sampal? Pakisabi po sa source mo na pakikompleto ang kwento kung paano umabot sa ganu’n. Wag ‘yung dulo lang. Sabihin mo ikwento ‘yung pinakasimula du’n kamo sa Belo Morato branch (nangyari).”
Hayan, may bagong impormasyon pa kaming nalaman dahil hindi naman binanggit ng aming source kung saan nangyari at kailan naganap ang pananakit pero alam na alam ni @jstAFuckingFan. Ibig sabihin, may bahid ng katotohanan ang pagbubuhat ng kamay ni G. Amon kay Morissette.
Hindi kami naniniwalang fan o supporter ni Morissette ang netizen dahil parang mas kinakampihan pa nito ang tatay ng singer? Pakiramdam namin ay nais lamang nitong ipagtanggol ang tatay ng singer para mabawasan ang namba-bash dito.
Feeling din namin, hinahamon ni @jstAFuckingFan ang aming source na maglabas ng ebidensya, sa madaling salita, pino-provoke nito ang taong nagkuwento sa amin ng buong pangyayari.
Hindi kaya si Mr. Amon din ang gumagamit ng Twitter name na @jstAFuckingFan? Mas maganda siguro kung tawagan na lang niya kami para mailabas din ang panig nila tungkol sa paglayas ni Morissette.
Mas maiintindihan din ng fans ng dalaga kung magbibigay o maglalabas sila ng official statement tungkol dito para hindi na pagpiyestahan ang kanilang pamilya sa social media. Hindi naman siguro ganu’n kasamang anak si Morrissette para masira siya sa publiko.
As of now, nananatiling tahimik si Morissette at wala pa kaming idea kung may balak pa siyang sagutin ang akusasyon ng kanyang tatay.
Marahil, ayaw na rin nitong magsalita at baka humaba at lumala pa ang problema. Baka naman kasi matawag pa siyang walang respeto sa magulang at walang utang na loob kapag sumagot pa siya.
Pero ayon naman sa ilan niyang supporters, dapat magsalita na ang dalaga para matapos na ang gulo at sana’y pag-usapan na lang nila ng pribado ang kanilang mga problema.
Bukas pa rin ang pahinang ito para sa Stages, ang management company ni Morissette na hanggang ngayon ay hindi rin kami sinasagot sa mga tanong namin.