MATAPOS ipanawagan sa media, nakauwi na ang tatlong retired teacher ng Commonwealth Elementary School sa Quezon City na napaulat na nawawala sa China matapos ma-divert ang kanilang biyahe dahil sa bagyo.
Dumating sina Linda Varela Guce, 72, Josefina Varela Baysic, 70, at Pacita Varela De Guzman, 77, sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 Linggo ng gabi.
Ikinuwento ng tatlo ang kanilang karanasan ng ma-stranded sa Pudong International Airport sa Shanghai, China dahil nakansela ang biyahe nila pauwi ng bansa dahil sa bagyong Hanna.
“Nakaupo lang kami doon, with so many baggages there. May one time na natutulog kami, yakap-yakap namin ang aming baggage. Nagro-rosaryo kami. Nagdadasal kami na, ‘Lord, please help us.’ Wala kaming contact sa aming families,” kuwento ni de Guzman.
Ang tatlo ay naging chance passenger ng China Eastern Airlines flight MU 211.
Galing ang tatlo sa John F. Kennedy International Airport sa New York at sumakay ng China Eastern Airlines noong Agosto 9.
Dahil sa sama ng panahon ay lumapag ang kanilang eruplano sa Wuhan Tianhe International Airport sa Hubei, China, sa halip na sa Pudong Airport sa Shanghai.
Nang bumuti ang panahon ay dinala sila sa Pudong Airport at doon na na-stranded dahil sa problema sa booking.
Wala umanong tumulong sa kanilang airline customer upang matawagan man lang ang kanilang mga kamag-anak sa bansa. Nag-expired na umano ang mga SIM card ng kanilang mga cellphone matapos ang limang buwan na bakasyon sa Amerika.
“Wala na kaming contact, umiiyak na kami doon, paaano namin makokontak ang aming pamilya,” kuwento pa ni de Guzman.
Nawala rin umano ang laman ng bag ni Baysic. “Noong kinuha namin ang baggages namin, nakita ko wala na iyung susi, tanggal na ang susi tapos halos wala ng laman iyung baggage na iyun. Tapos nakita namin talagang ang dami-daming nawala.”