Neil Coleta naipatayo na ang dream house sa Cavite: May sarili na ring negosyo

SIPAG at tiyaga ang naging puhunan ng character actor na si Neil Coleta sa unti-unting pagpapatayo ng kanyang dream house sa Cavite.

Hindi nawalan ng pag-asa si Neil nang lumamlam last year ang kanyang showbiz career. Gumawa siya ng paraan para ituloy ang buhay at maitayo ang kanyang bagong bahay na inialay din niya sa kanyang pamilya.

“Halos wala akong regular show last year, ang ginawa ko, rumaraket ako. Ayon, nabuo siya (dream house) dahil sa mga raket ko.

“Hindi ko nga alam eh. Basta nakita ko na lang, buo na ang bahay namin. Ang sarap sa pakiramdam!” bulalas ng aktor nang magkachikahan kami sa SM City Dasmariñas kung saan nag-open ang bago niyang business na Tikka Tikka Taco Wraps.

Naging malaking bagay rin daw kay Neil ang todo-suportang natatanggap niya mula sa kanyang girlfriend na pamangkin ni Dina Bonnevie. Apat na taon na raw sila ngayon.

“Sobra Tito Doms! Like sa business naming ito, sosyo kami niyan tapos halos siya talaga ang nag-aasikaso. Napaka-supportive niya sa akin,” aniya.

Ano na ang nangyari sa unang business niyang bulaluhan?

“Pinasara na muna namin. Puwede naman pong buksan ulit. Kasi ang naging problema doon, dahil busy ako that time, pati sila Mama, hindi talaga siya natutukan kaya napabayaan. Kasi wala rin akong masyadong tao na mag-aasikaso doon. Pero okey lang naman,” aniya.

Last week naman, namayagpag na rin sa ere ang bago niyang teleserye sa ABS-CBN, ang The Killer Bride kung saan gumaganap si Neil bilang matalik na kaibigan ni Joshua Garcia. Partners in crime sila sa kuwento kaya siguradong matagal ang buhay niya sa programa.

“Opo! Maganda po talaga ang story nito. Thankful din ako sa RSB unit sa pagkuha nila sa akin para sa role. First time ko sa RSB. Ang saya! Ibang tao naman ang mga katrabaho ko. Hopefully mataas ang maging rating namin araw-araw!” pahayag pa ni Neil Coleta.

 

Read more...