PURO halakhakan ang maririnig sa paligid habang pinagpipistahan sa isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ang dalawang babaeng personalidad na gusto nilang ibitin nang patiwarik sa langgaman. Chos!
Biruan man ang maririnig ay may kaseryosohan pa rin ‘yun, idinadaan lang sa pa-joke ng magkakaumpukan ang mga kuwento, pero nasa likod nu’n ang katotohanang naiimbiyerna sila sa dalawang female personalities.
Arya ng unang miron sa umpukan, “Napakasarap pag-untugin ng mga babaeng ’yun! para bang hindi na sila mabubuhay nang hindi ipinagbubuyangyangan ang mga kagamitan nilang puro mamahalin!
“Para bang humuhugot sila ng energy sa maghapon mula sa pagyayabang nila! HIndi sila mapakali, talagang kailangan nilang ipaalam sa buong mundo kung gaano sila ka-fabulous!
“Parang hindi puwedeng matapos ang maghapon nang hindi sila nakapagyayabang. Nakakaloka sila, dahil di ba, ang maiingay lang dapat sa ganyan, e, ang mga bagong yaman lang?
“E, sanay na sila sa pagiging mayaman nila, di ba, kaya bakit pa sila nagpapaligsahan sa pagyayabang tungkol sa kung anumang mga meron sila?” pasakalye ng chikadorang miron.
Wala silang maitulak-kabigin, magkapareho lang kuno ang kayabangan ng dalawang aktres, nagpapatalbugan talaga sila sa kahanginan.
“At take note, pareho pa naman silang linyado sa politics! Hindi man sila ang mismong politicians, e, ‘yun ang buhay na meron sila ngayon! Hindi ba sila nahihiya sa mga kababayan natin sa mga kayabangang pinaggagagawa nila?
“Magkaroon naman sila ng kahihiyan! Oo nga at kaya naman nilang bilhin ang mga gusto nila, e, magiging ganyan na sila! Okey, nasa kanila na ang lahat-lahat, okey pa rin, pera naman nila ang ipinambibili nila sa mga granatsa nila, pero naman!
“Mahiya naman sila sa mga kababayan nating naghihirap! E, ‘yung mga bags at kumot pa lang na ipinagmamayabang nila, e, kayang-kaya nang magpakain ng buong barangay kapag ginawang pera!
“Naku, masarap silang pagtaliin, ‘no! Para silang mga bagong yaman na ngayon lang nakatikim ng ganyang mga branded na kagamitan! Mga hambog!” pagtatapos ng ikalawang miron sa umpukan.
Naku naman, kailangan n’yo pa ba ng mga clue, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio kung sinu-sino ang dalawang ito?