Lihim naming pinapalakpakan si Morissette Amon nu’ng panoorin namin ang unang sultada ng ASAP Natin ‘To sa Bay Area sa San Francisco nu’ng nakaraang Linggo nang tanghali.
Napakahusay kasi niya habang kinakanta ang “The Prayer” kaduweto ang isang kababayan nating nanalo sa isang malakihang labanan sa Amerika, kahanga-hanga ang makinis na boses ng dalaga, mula sa puso ang pagkanta ni Morissette.
Pero sa likod pala ng pangyayaring ‘yun ay may nakalulungkot na nagaganap ngayon sa pagitan ng magaling na singer at ng kanyang pamilya. Kung paniniwalaan ang mga posts ng kanyang amang si Mr. Amay Amon ay iniwan sila ni Morissette para sumama na sa kanyang boyfriend na musikerong si Dave Lamar.
Pamilyar sa amin si Dave, ito ang kasama ni Morissette sa isang video na ipinasilip sa amin ni Jun San Juan na staff ng CFM, kinakanta nila ang “Broken Hearted.”
Nasa tamang edad na para makipagrelasyon si Morissette, malaki na rin ang naitulong niya sa kanyang pamilya, alam namin ‘yun dahil dati naming kasama sa TV5 ang magaling na singer.
Sana’y kinausap na lang siya ng kanyang mga magulang kesa sa ipinaglantaran pa ng mga ito sa publiko ang kanilang problema. Nakalimutan ng pamilya ni Morissette na napakalaki ng ginagampanang papel ng salitang imahe sa kahit sinong public figure.
Makaaapekto ‘yun sa karera ni Morissette, mababawasan ang mga humahanga sa kanya, nasa Pilipinas pa naman tayo na napakalaki ng pagpapahalaga sa pagrespeto sa mga magulang sumunod sa Panginoon.
Kung hindi man kumilos ang mga magulang ng dalaga para magkaayos sila ay si Morissette na sana ang gumawa ng unang hakbang para maresolbahan ang kanilang personal na problema.
Respeto at pagpapakumbaba ang tawag du’n.