Daniel, Moira, Janella, Janine, I Belong to the Zoo patalbugan sa 2019 Himig Handog

DANIEL PADILLA, MOIRA DELA TORRE, JANELLA SALVADOR AT JANINE BERDIN

SIGURADONG mas matindi ang magiging bakbakan sa gaganaping 2019 Himig Handog dahil lahat ng nakapasok na entry ay magaganda at talagang nakaka-LSS (last song syndrome).

This year, 12 kanta na sumasalamin sa hirap at pag-asang dala ng pag-ibig ang bumubuo sa top 12 ng Himig Handog 2019 na maglalaban-laban para maiuwi ang Best Song sa pinakamalaking songwriting competition sa bansa.

Mula sa halos 4,000 nagpadala ng mga entry, mabusising pinili ang labindalawang nangibabaw na mga awitin na isinabuhay ng mga mahuhusay na OPM artist.

Magbabalik-kompetisyon at nagsanib-pwersa ngayong taon sina Daniel Padilla at Moira dela Torre sa pagkanta ng komposisyon ni Dan Martel Simon Tañedo na “Mabagal.”

Ang bida naman ng Kapamilya series na The Killer Bride na si Janella Salvador ay nagbabalik-Himig Handog para sa kantang “Nu’ng Tayo Pa” nina Rex Torremoro at Elmar Jann Bolaño.

Ang dating contestant ng Idol Philippines na si Alekzandra Nicolle Quitalig ay susubok sa ibang kompetisyon gamit ang sarili niyang awitin na “Alaala.” Inawit din ng singer-songwriter mula Davao na si Eamarie Gilayo ang sarili niyang kanta na “Ikaw at Linggo.”

Isa pang dating Idol Philippines contender na si Vanya Castor ang lumalaban sa edisyon ng Himig Handog ngayong taon sa pag-awit ng “Paano Ba” ni Richanne Charms Jacinto. Ang dating X Factor Australia contestant naman na si Justin Vasquez ang umawit ng kantang “Isa Pang Ikaw” ni Joseph Ponce.

Ang awiting “Panandalian” naman ang pambato nina Jerome Arcangel at Cee Jay Del Rosario na inawit ni TJ Monterde, habang nagbabalik-kompetisyon din ang songwriter na si Michael Angelo “Aikee” Aplacador gamit ang kantang “Please Lang,” na binigyang-buhay ni Alex Gonzaga.

Hatid naman ni Joan Da ang kanta niya at ng asawang si LJ Manzano na “Sasabihin Ko,” habang sasabak ulit sa kompetisyon si Davey Langit sa pamamagitan ng pag-awit ng kanta niya at ng asawa niyang si Therese Marie Villarante na “Simula ng Dulo.”

Ang I Belong To The Zoo naman ang umawit sa entry ni Ferdinand Aragon na “Ingat,” habang si Janine Berdin ang nagbigay-kulay sa awitin ni Noah Zuñiga na “Sa’yong Mundo.”

Sa paglipas ng mga taon, ang mga awitin mula sa Himig Handog ay pumukaw sa damdamin ng mga Pilipinong tagapakinig sa bansa at buong mundo. Ang kompetisyon ay nanatiling totoo sa misyon nito na patuloy na ipakilala ang OPM saan man sa mundo sa pamamagitan ng paghahanap ng mga pinakamagagandang orihinal na awiting gawa ng mga Pilipino.

Ang mananalo sa Himig Handog 2019 ay tatanggap ng P1 million, habang ang ikalawa, ikatlo, ikaapat at ikalimang puwesto naman ay makakakuha ng P500,000, P200,000, P150,000, at P100,000 premyo. Abangan ang grand finals ng kompetisyon live sa ASAP Natin ‘To ngayong Oct. 13.

Bukod sa Best Song, paglalabanan din ng mga finalist ang iba pang awards kabilang na ang MOR’s Choice, MYX Choice for Best Music Video, TFC’s Global Choice Award, Star Music’s Choice Award at Best Produced track.

Pakinggan ang mga kantang maglalaban-laban sa #HimigHandog2019 sa lahat ng digital stores at sa YouTube channel ng Star Music. Para sa karagdagang detalye, i-like ang @HimigHandog2018 sa Facebook. Bisitahin din ang starmusic.ph, i-like ang Star Music sa facebook.com/starmusicph, at sundan ito sa Twitter at Instagram @ StarMusicPH.

Read more...