BONGGA ang nakaraang episode ng I Can See Your Voice last weekend sa ABS-CBN kung saan nakasama ang tatlong hosts ng Magandang Buhay.
Sina Karla Estrada, Melai Cantiveros at Jolina Magdangal ang naglaro sa nakaraang episode ng bagong season ng ICSYV hosted by Luis Manzano.
In fairness, may mga bagong paandar ang programa para sa pagbabalik ng paboritong tambayan ng madlang pipol tuwing weekend ng gabi.
Nakaisip ang production kung paano mas magiging exciting ang paghula ng mga celebrity guests kung see-nger nga ba o seen-tunado ang mga nasa contestants na nasa stage.
Bukod pa nga yan sa mga panggugulo at pakikialam ng mga singvestigators na sina Angeline Quinto, Wacky Kiray, Alex Gonzaga, Bayani Agbayani at Kalad Karen.
At sa guesting nga ng Magandang Buhay hosts sa show ni Luis, isang contestant na dumanas ng matitinding hamon sa buhay ang nakatanggap ng advanced Christmas gift mula kay Karla.
Sa video clip na ipinalabas sa programa, inamin ni Arnel Talisic na hirap sila sa buhay kaya ginagawa niya ang lahat para mabigyan ng magandang buhay ang kanyang anak at live in partner.
Aniya, matagal na niyang gustong pakasalan ang nanay ng kanyang anak pero wala pa talaga silang budget, inuuna muna nila ang pangangailangan ng kanilang family at pinag-iipunan pa niya ang pagpapakasal.
“Matagal na naming gustong magpakasal, pero wala pa po talagang budget. Pero lagi naming ipinagdarasal na sana’y matupad na,” sabi ni Arnel.
At dahil na-touch si Karla sa kuwento ng contestant, in-announce niya na siya na ang sasagot sa kanilang kasal kaya naman halos maiyak na ang ICSYV contestant sa pagpapasalamat sa TV host-actress.
Lumapit pa ito kay Karla at niyakap ang nanay ni Daniel Padilla. Sabi pa ni Karla, tutulong din daw sina Jolina at Melai sa kanilang wedding.
In fairness, nakaka-good vibes ang ICSYV at talagang nakaka-excite ang makihula kung sino ang totoong singer at kung sino ang fake. At nakaka-frustrate kapag mali ang hula mo. Kapag tama naman ang guess mo ay parang nanalo ka na rin sa contest.
Sa previous season ng I Can See Your Voice, the winning contestant gets a P25,000 cash prize. At kung ang contestant ay isa talagang singer, magkakaroon din siya ng chance na makapasok sa Tawag ng Tanghalan ng It’s Showtime.
Ang ICSYV ay original concept mula sa Korea kung saan meron ding anim na contestants kung saan huhulaan ng celebrity guest kung sino sa mga ito ang tunay na singer at kung sino ang mga sintunado.
Tutukan ang mas marami pang pampa-good vibes episode ng I Can See Your Voice tuwing Sabado at Linggo sa ABS-CBN.