Trapik, Metro Manila governor ang kailangan

MATAGAL ko nang sinasabi, hindi uubra ang Metro Manila Commission at MMDA para gawan ng solusyon ang trapik sa Metro Manila.

Labing-pitong hari ang naglalaban-laban para sa supremacy sa Metro Manila at kahit anong gawin ng MMDA Chairman, kapag na-invoke ang voted against appointed ay walang laban si Chairman ng MMDA.

Isipin ninyo, kahit na anong gawin, hindi puwedeng utusan ng MMDA na ipasara ang mga entries ng mga sasakyan sa malls na nasa gilid ng EDSA. Pero isa ito sa pinakamalaking dahilan ng bottleneck sa major artery na ito.

Kapag tumakbo sa mayor ang may-ari ng mga malls, na siguradong nagbigay o tumulong kay mayor, talo sa desisyon ang MMDA.

Marami pang ibang isyu sa trapiko na hindi kaya ng MMDA ayusin dahil sa mga probisyon sa Local Government Code tulad ng paglalatag ng isang comprehensive road network and route system sa Metro Manila, dahil ang trapik, ayon sa Local Government Act, ay responsibilidad ng LGU. Ito ang dahilan kaya puwedeng tanggihan ng Makati ang number coding ng MMDA at gumawa ng sarili nitong policy o kaya ay puwedeng kumpiskahin ng Makati ang lisensiya kahit sabi sa batas ng LTO ay hindi ito puwede.

Dito papasok ang “need” o pangangailangan ng isang governor ng Metro Manila. Kailangan ng isang halal or elected leader ng buong Metro Manila na mas mataas sa mga alkalde na siyang magtitimon sa development planning ng buong National Capital Region.
Dapat siguro na meron na itong tanging pinuno na siyang mag-manage ng pangangailangan ng lahat ng residente nito na hindi maibigay ng mga mayor nila.

Sa totoo lang, dahil ang MMDA ay nasa ilalim ng Office of the President, ang de facto governor nito ay ang Pangulo ng Pilipinas. Pero sa dami ng inaasikaso ng pangulo, hindi na niya mahaharap lahat ng maliit na detalye ng problema sa Metro Manila.

Pero ang masakit nito, anuman ang itsura ng Metro Manila, ito ang magiging image ng buong bansa, at ang trapik ay isang solid description nito.

Kailangan na kumilos ang Senado at Kongreso upang gawin political unit o local government unit ang Metro Manila, lagyan ito ng governor at maglatag ng isang buong master development plan na kailangang sundin ng lahat ng mayor nito para magawan na ng solusyon ang trapik, pagbaha, squatter, basura, zoning at maraming iba pa na siyang dahilan kaya napakagulo ng region na ito.

Kung hindi pa rin ito nakikita at naiisip sa mga hearing sa senado ni Grace Poe, siguro dapat ibigay na sa iba ang komiteng ito. Yun ang mga kinakausap ay ‘yung mga nagmamaneho, sumasakay ng bus, jeep, at MRT at mga tao na totoong nakakaranas ng hirap na kanilang pinag-uusapan sa harap ng telebisyon.

Dahil ‘yung mga regulators, directors, Usec, Asec, chairman, Secretary at iba pang kinakausap ni Poe ay hindi sumasakay ng bus, jeep, MRT/LRT, at lalong hindi sila nagmamaneho sa Edsa. Hindi din sila lumulusong sa baha o nakatira sa Payatas.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Read more...