Ginang kinatay ng mister dahil sa ‘bulong’

NASAWI ang 44-anyos na ginang sa San Francisco, Quezon, nang pagtatagain ng kanyang mister dahil umano sa mga “bulong” na nadidinig ng huli.

Agad ikinasawi ni Josephine Rosales, tubong San Pascual, Masbate, ang mga pinsalang dulot ng itak na ginamit ng asawang si Candido, 56, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

Naganap ang insidente dakong alas-4 ng umaga Miyerkules, sa bahay ng mag-asawa sa Sitio Palata, Brgy. Butanguiad.

Pinagtataga ni Candido ang misis dahil umano sa mga bulong ng isang di kilalang nilalang, na nag-utos sa kanyang patayin ang kabiyak, ayon sa ulat.

Nadakip ng mga pulis ang suspek alas-10:30 ng umaga, at narekober dito ang itak na ginamit sa pagpatay.

Lumabas sa imbestigasyon na dumaranas umano si Candido ng “nervous breakdown” nang maganap ang insidente, ayon sa pulisya.

Nakaditine ngayon ang suspek sa San Francisco Police Station habang hinahandaan ng kasong parricide.

Read more...