Pinayagan ng korte na madalaw ni Senadora Leila de Lima ang maysakit niyang ina sa kanilang bahay sa Iriga City. Binigyan ang senadora nang apatnapu’t walong oras para muling makabalik sa kanyang piitan sa PNP Custodial Center.
Pebrero ng taong 2017 nang makulong si Senadora de Lima dahil sa akusasyong malaki ang pakinabang niya sa bentahan ng droga sa Pambansang Piitan. ‘Yun daw ang ginamit niya nu’ng kampanya ng 2016.
Sinulat namin ito dahil nabasa namin ang mga komento ng ating mga kababayan tungkol sa kanyang pansamantalang paglaya para madalaw ang kanyang Nanay Norma na otsenta’y sais anyos na.
Ibang-iba talaga ang puso ng Pinoy pagdating na sa usapin ng mga magulang. Kung gaano sila kagalit nu’n sa akusadong senadora ay durog na durog ang kanilang puso sa kasalukuyang senaryo.
Tamang emosyon. Dahil magkarugtong ang pusod ng ina at anak. Anumang posisyon ang maabot ng sinuman, maging hari at reyna man ang anak, ay siguradong ang amoy at yakap pa rin ng kanyang ina ang hinahanap niya.
Nu’ng nasa piitan pa sina Senador Bong Revilla at dating Senador Jinggoy Estrada ay pinapayagan din silang dumalaw sa kanilang pamilya kapag talagang kinakailangan.
At hindi naiiba sa kanila si Senadora Leila de Lima, anak din siyang matagal nang naghahanap ng yakap ng kanyang ina, na ayon sa kanyang mga ka-patid at kamag-anak sa Iriga City ay maaaring huli na nilang pagkikita dahil matanda na si Nanay Norma at masakit man ay mukhang nabibilang na ang kanyang pananatili sa mundo.