KAPAG malakas ang buhos ng ulan ay naging ugali na ng maraming taga-showbiz ang magpunta sa isang coffee shop para du’n hintayin ang pagtila ng pagluha ng langit.
At habang nandu’n sila ay maraming paksa ang nabubuksan, mga kuwento tungkol sa mga perso-nalidad, kung saan bumida ang isang popular na female personality sa kanilang pagpipista.
Ang dami-daming naiipong anekdota tungkol sa babaeng personalidad, ang iba ay nakakatawa at ang iba nama’y nakawiwindang, parang pelikula kasi sa kakulayan ang buhay ng kilalang female personality na ito.
Isang anekdota na ibinato ng isa sa mga nasa umpukan, “Naaalala ko pa ‘yun karanasan ko with her nu’ng magpunta kami sa isang malayong probinsiya for her interview.
“Alam n’yo naman kung gaano kaarte ang babaitang ito, di ba? Maliit na bagay lang, e, pinalalaki niya, depende sa mood niya. Makaarte lang ba!
“Saka naging ugali na niya na kung kailan maraming tao, e, saka siya parang ginaganahan sa kaartehan niya. Kailangan niya ng audience! Hindi siya nag-iinarteng masyado kapag kakaunti lang ang mga tao sa paligid!
“Heto na, bumaba na siya ng van, natural, maraming nakapalibot dahil naka-announce ang pagdating niya sa place, di ba? Pagtapak pa lang ng mga paa niya sa lupa, OA na agad siya!
“Natural, English speaking ang lola n’yo, di ba? So, pagbaba niya, napa-eeeewwww agad siya, kasi nga, medyo basa ang lupa! Wala namang putik, pero medyo basa, katatapos lang kasi ng ulan.
“Lahat kami, e, okey lang naman, walang nagreklamo, okey naman kasi ang daan. Sa kagaganu’n niya, e, nadulas tuloy siya! As in, malapit na siyang sumalpak sa lupa, buti na lang at hawak siya ng PA niya!
“Maarte talaga siya, ‘yung tipong makaarte lang ba! KSP kasi siya, e! Kulang na kulang siya sa pansin, kailangang sa kanya nakasentro ang attention ng lahat kapag nandu’n na siya!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.
Hanggang ngayon ay bitbit pa rin ng babaeng personalidad ang kaartehan, siya ang reyna, walang puwedeng kumabog sa kanya.
“At take note, lagi n’yong tatandaan na kung nasaan ang aksiyon, e, kailangang nandu’n din siya! Sasali at sasali siya, kesehodang mataas ang lagnat niya! May K siyang sumali, may K siyang magbigay ng opinion niya, ‘yun ang feeling niya!” pagtatapos ng aming source
Bigay na bigay na kung sino ang female personality na ito, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, hindi na kayo mauupo ngayon sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan.