Orbeta tutumbukin ang ikatlong darts title sa Southeast Asia Tour 2019

SINAGOT ni two-time Southeast Asia Tour 2019 darts champion Lovely Mae Orbeta (ikalawa mula sa kaliwa) ang katanungan mula sa sports media sa ginanap na “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila. Nakasama ni Orbeta sa weekly sports forum sina (mula kaliwa) Pearl Managuelod ng Muaythai Association of the Philippines, TOPS president Ed Andaya at Southeast Asian Games boxing champion Josie Gabuco.

 

MULING umaasa ang Philippine darts na matutumbok ang bullseye sa tulong ng mga bagong sibol na darters.

At isa na rito ang rising star na si Lovely Mae Orbeta.

Si Orbeta, na two-time Southeast Asia Tour 2019 champion, ay kasalukuyang gumagawa ng ingay sa kanyang matagumpay na kampanya sa international darts scene.

“I’m looking forward to my next tournament in Malaysia this weekend. Sana manalo po uli,” sabi ni Orbeta sa kanyang pagbisita sa ika-35 edisyon ng “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

Si Orbeta, na Grade 9 student sa Lakandula High School sa Tondo, Maynila, ay tiwalang muling magwawagi laban sa kanyang mga magagaling na katunggali at matumbok ang ikatlong panalo sa naturang Southeast Asian Tour.

“Magagaling din po ‘yun mga kalaban ko dun, pero puspusan naman pagsasanay ko sa tulong ni coach Jeffrey Roxas,” sabi pa ni Orbeta, na nakatakdang umalis patungong Malaysia ngayong Biyernes para sa kumpetisyong gaganapin ngayong weekend.

Bagamat abala sa pagsasanay sa darts, tiniyak ni Orbeta na hindi niya napapabayaan ang kanyang pag-aaral.

“Tuluy-tuloy naman ang pag-aaral ko kahit naglalaro ako ng darts ‘yun pa rin ang priority ko,” dagdag ni Orbeta, na lkilala sa kanyang palayaw na “Bebang” sa darts circuit.

Nagpasalamat din si Orbeta sa kanyang sponsor na si Frida Morelos ng Amber’s Best sa kanyang patuloy na pagtitiwala.

“Pag walang klase, tuloy lang ang ensayo ko sa Amber sa Makati, kasama ang iba pang mga darters,” dagdag pa ni Orbeta sa weekly session na sinusuportahan din ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf.

Nakasama ni Orbeta sa nasabing sesyon sina Pearl Managuelod ng Muaythai Association of the Philippines at Southeast Asian Games boxing champion Josie Gabuco.

Read more...