Julia ikinumpara sa among malupit sa kasambahay; Gerald negang-nega na

GERALD ANDERSON AT JULIA BARRETTO

Sa halip na maging salbabidang may hangin na makapagliligtas sa kanya sa pagkalunod ay nakasama pa ang paglalabas ng saloobin ni Julia Barretto.

Lalo siyang nilunod ng mga netizens lalo na ng mga bashers sa ginawa niyang lantarang pangangaral kay Bea Alonzo. Nag-boomerang pa kay Julia ang kanyang mga sinabi, siya ang nakatikim ng ampalaya at apdo, dahil sa halip na pagpapakumbaba ay pagyayabang ang naramdaman ng mas nakararami sa kanyang Instagram post.

Maganda ang komento ng kaibigan naming propesor, ang sabi nito, “Habang binabasa ko ang post ni Julia kung saan niya pinarurunggitan si Bea Alonzo, e, parang nakikinita ko ang ibang senaryo.

“Parang nakikita ko ang isang amo na nakapameywang habang pinagagalitan ang kanyang muchacha na nakaluhod at nililinis ang sahig dahil sa tumapon na juice!” tawa nang tawang sabi ni prop.

Ganu’n mismo ang pagtanggap sa mahabang litanya ni Julia, sana raw ay hindi na lang siya kumibo, dahil ang kanyang mga sinabi pa ang lalong naglubog sa kanya sa sobrang kahihiyan.

Pareho lang sila ni Gerald Anderson na negang-nega ang dating ngayon sa publiko, ito namang hunk actor na ito, pinaringgan pa ang mga bashers na nakikialam kuno sa kanyang pakikipagrelasyon.

Binulabog ng aktor ang kuta ng langgam, kaya ano ang nangyari, di mismong si Gerald ang itinali sa langgaman ng mga bashers!

Read more...