DALAWANG bagyo at isang low pressure area ang binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.
Ang bagyong Hanna ay patuloy na humahatak ng Hanging Habagat na nagpapa-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Nananatiling maliit ang posibilidad na mag-land fall ang bagyo na tinatahak ang direksyon papunta sa China. May hangin ito na umaabot sa 85 kilometro bawat oras ang bilis at pagbugsong 105 kilometro bawat oras.
Kaninang umaga ito ay nasa layong 815 kilometro sa silangan ng Calayan, Cagayan. Inaasahan na lalo pa itong lalakas.
Mayroon ding bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility. Wala pa umano itong direktang epekto sa bansa. Kahapon ito ay nasa layong 2,525 kilometro sa silangan ng hilagang Luzon at maliit ang tyansa na ito ay pumasok sa PAR.
Nasa West Philippine Sea naman ang low pressure area na humahatak din sa Hanging Habagat. Maliit ang tyansa na ito ay maging bagyo.