LUMIKAS ang mga residente sa Ternate, Cavite sa harap ng pagtaas ng baha at pag-apaw ng Maragondon river dahil sa walang tigil na pag-ulan ngayong araw.
Sinabi ni Sixto Caisip, Ternate disaster response chief, na 69 pamilya mula sa Barangay San Juan ang inilikas.
Tinatayang 71 pamilya naman sa Barangay Bucana ang nanganganib na maapektuhan ng mga pagbaha, kasama na ang mga residente sa limang iba pang barangay malapit sa Maragondon river.
Noong Biyernes, 12 bahay na gawa sa kongkreto at magagaang materyales ang tinangay sa coastal area ng Ternate, ayon pa kay Caisip. Wala namang nasaktan sa pangyayari.
Sinabi ni Caisip na tumaas ang lebel ng tubig sa Maragondon river at nasa kritikal na lebel na ng apat na metro.
“If it hits 4.5 meters, that’s it. It would affect five other villages,” dagdag ni Caisip.
Ang Ternate ang sahuran ng tubig sa palibot ng Magallanes, Baylen, Indang, at Maragondon.
Sinabi pa ni Caisip na hindi pa ipapatupad ang preemptive evacuation, bagamat nakahanda na ang mga rescue vehicles sakaling kailangan nang ilikas ng mga residente.
“Ankle-to knee-deep flood also hit parts of Cavite City. Parts of Bacoor City near a shopping mall in Barangay Niog and Imus City were also flooded,” sabi ni provincial disaster response head Rhoda Periodico.