San Miguel Beermen, TNT KaTropa sisimulan ang Finals duel

Laro Linggo (Agosto 4)
(Araneta Coliseum)
6:30 p.m. TNT vs SMB
(Game 1, best-of-7 championship series)

BUBUHAYIN ng San Miguel Beermen at TNT KaTropa ang matinding labanan sa pagsisimula ngayong Linggo ng kanilang best-of-seven championship series para sa korona ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.

Maghaharap ang Beermen at KaTropa ganap na alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Dalawang taon na ang nakalipas nang huling nagsalpukan ang San Miguel at TNT sa PBA Finals at ito ay naganap sa pareho ring kumperensiya.

Nagwagi ang Beermen sa nasabing serye, 4-2, subalit sa pagkakataong ito ay nakakaangat ng bahagya ang KaTropa sa kanilang serye.

Una na rito ay nagtapos ang TNT sa No. 1 spot matapos ang elims habang ang San Miguel Beer ay lumapag sa ikapitong puwesto.

Isama na rito ang 110-97 panalo ng TNT kontra San Miguel Beer sa kanilang laro noong Hunyo 8 sa Ynares Center, Antipolo City.

Nagpakita rin ang KaTropa ng dominanteng paglalaro sa pagpapatalsik nito sa defending champion Barangay Ginebra Gin Kings sa kanilang semifinals series, 3-1.

Kinailangan naman ng Beermen na makabangon sa kanilang tatlong panalo para sibakin ang Rain or Shine Elasto Painters sa kanilang semis matchup.

Puntirya rin ng San Miguel Beer ang ikalawang diretsong titulo matapos na maghari sa Philippine Cup sa ikalimang sunod na taon at kung mananaig silang muli sa kasalukuyang kumperensiya magiging daan ito para asintahin nila ang ikalawang Grand Slam ng prangkisa.

Sa kabuuan ang San Miguel Beer ay hawak ang league-best 25 kampeonato sa PBA kumpara sa siyam na tangan ng TNT.

Ito rin ang ika-42 Finals appearance ng San Miguel Beer na isa ring PBA record.

Apat na beses nang nagsalpukan ang San Miguel Beer at TNT sa isang pangkampeonatong serye at angat ang Beermen sa kanilang tatapatan, 3-1.

Patuloy na sasandalan ni San Miguel Beer coach Leo Austria sina Chris McCullough, Chris Ross, Alex Cabagnot, Christian Standhardinger, Arwind Santos at five-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo para manaig sa kanilang serye.

Sasandigan naman ni TNT mentor Bong Ravena sina Terrence Jones, Jayson Castro, Roger Pogoy, Brian Heruela, Don Trollano at Troy Rosario para mauwi ang kampeonato.

Read more...