2 pang tune-up games susuungin ng GILAS

SA susunod na linggo na mag-uumpisa ang Fiba-Asia men’s championship ngunit hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa torneyo.

Dalawang mahalagang tune-up games pa ang susuungin ng Gilas Pilipinas sa linggong ito.  Makakasagupa nito ang  selection team ng PBA sa SM  Mall of Asia  Arena sa Pasay City at makakalaban naman nito ang Kazakhstan squad sa Biernes sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ang Kazakhstan ay kasali rin sa Fiba-Asia men’s championship at malaki ang posibilidad na makakatapat nito ang Gilas Pilipinas sa  quarterfinal round.

Ang torneyo kung saan paglalabanan ang tatlong slots para sa 2014 World Cup ay mag-uumpisa sa Agosto 1 at magtatapos sa Agosto 11. Lalaruin ito sa dalawang venues: SM MOA Arena  at  Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Maynila.

Ka-grupo ng home team sa Broup B ang  Jordan, Taiwan at Saudi Arabia  habang ang Kazakhstan naman ay kabilang sa Group D kasama ang Bahrain, India at Thailand.

Matatangkad ang mga manlalaro ng Kazakhstan at may desenting tira ang mga ito mula sa labas. Dati itong nagtapos sa pangatlong puwesto sa Asian Games at pang-apat sa  FIBA-Asia.

Tinalo naman ng Pilipinas ang Kazakhstan para sa  bronze medal noong  1998 sa Bangkok Asian Games ngunit nakaresbak ang mga Kazakh sa sumunod na  Asiad sa Busan, South Korea nang maagaw nila ang bronze mula sa mga Pinoy.

Noong 2007, ay tinalo rin ng Kazakhstan ang Pilipinas sa  Jones Cup. Ang kasalukuyang koponan ng Kazakhstan ay pinangungunahan ng  Euro League veteran na si Jerry Jamar “Triple J” Johnson at minamanduhan ng Italian coach na si Matteo Boniciolli.

Ang Gilas Pilipinas  ay binubuo nina Japeth Aguilar, Jimmy Alapag,  Jason Castro, Jeff Chan, Gary David, Ranidel de Ocampo, June Mar Fajardo, Larry Fonacier, Gabe Norwood,  Mark Pingris, LA Tenorio at naturalized player na si Marcus Douthit.

Ang head coach ng pambansang koponan ay si Vincent “Chot” Reyes.

Read more...