INIREKLAMO ng maraming mayor sa Metro Manila ang ginagawang ‘cat-and-mouse game’ ng mga illegal vendors sa isinasagawang paglilinis ng lokal na pamahalaan sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Ayon sa mga mayor, bumabalik ang mga nagtitinda kapag nakaalis na ang mga otoridad.
“Actually no’ng 2002 nagpasa kami ng ordinansa na anything found in the sidewalk is considered garbage and will be disposed of as such. Kaya lang ang challenge talaga d’yan is parang pusa at daga ‘yan eh,” sabi ni Navotas Mayor Toby Tiangco.
“So pagtalikod, bumabalik. So nagki-clear ulit kami,” dagdag ni Tiangco.
Sinuportahan ito ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan.
“Sa katunayan noon pa kami gumagawa ng mga clean-up drive, meron lang kaming nagiging problema, kapag na-ayos na namin ang pagclean-up doon sa isang lugar, after one month (babalik sila),” sabi ni Malapitan.
“Eh sa laki ng Caloocan hindi namin pwedeng balik-balikan. So siguro kailangan ho natin ng active participation, accountability ng mga barangay,” ayon pa kay Malapitan.
Nauna nang binigyan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng 600-araw na ultimatum para malinis ang mga kalsada ng mga nagtitinda.
Nahaharap sa suspensyon ng 60-araw ang mayor na mabibigong sumunod sa direktiba ng DILG.