15-anyos ginawang sex slave; 4 suspek dakip

NASAGIP ang 15-anyos na dalagitang ginawa umanong sex slave at naaresto ang dalawang suspek, sa magkakasunod na operasyon sa Baliwag, Bulacan, nitong Linggo.

Unang nasagip ang dalagita sa isang lodge sa Brgy. Bagong Nayon, dakong alas-10:25 ng gabi, ayon sa ulat ng Bulacan provincial police.

Naaresto naman ang mga suspek na sina Crisffer Cruz, 30; Crisel Cruz, 25; Ronaldo Carlos, 41; at Fernando Sto. Tomas, 50, sa magkakasunod na follow-up operation mula nang gabing iyon hanggang Lunes ng umaga.

Ayon kay Col. Chito Bersaluna, direktor ng provincial police, napag-alaman na ang dalagita’y ipinagkatiwala ng kanyang ina, na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibayong dagat, sa mga pinsan nitong sina Crisffer at Crisel.

Ibinugaw naman umano ng dalawa kina Carlos at Sto. Tomas ang dalagita, na ilang beses nilang dinala sa iba-ibang motel at inialok pa sa ibang “kostumer.”

Ipinagharap na ang mga suspek ng kasong rape, paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Law, at child abuse, sa Provincial Prosecutors Office, ani Bersaluna.

Read more...