Mental health ng bata apektado ng smartphones


MARAMI na ang isinagawang pag-aaral at hindi nagkakalayo ang mga resulta nito na nagsasabing may masamang epekto sa mental health ng bata ang paggamit ng smartphones at tablets.

Nadagdagan pa ito ng pag-aaral ng mga dalubhasa sa San Diego State University at University of Georgia.

Ayon sa kanilang pag-aaral sapat na ang isang oras kada araw na paggamit ng smartphone o tablet para maging balisa (anxious) o malulungkutin (depressed) ang isang bata.

Nagiging less curious, nahihirapan na makatapos ng isang gawain, nagiging emotionally stable, at nababawasan ang self control ng isang bata na madalas gumamit ng smartphone o tablet.

Bagamat mas malaki ang epekto ng mga gadgets sa teenagers, ang mga bata na wala pang 10-anyos ay naaapektuhan din dahil sa nagde-develop pa lamang ang kanilang utak.

Ang mga bata na gumagamit ng gadgets ng limang oras o higit pa kada araw ay tinatawag na mga “zombie children”.

Ayon kina Professors Jean Twenge at Keith Campbell ang mental health problem na dala ng gadgets ay maaaring iwasan o i-manage. Kailangan lamang bawasan ang oras na ginugugol ng mga bata sa mga gadget at dagdagan ang iba nilang activities gaya ng pag-aaral, pakikisalamuha at physical games.

Sinabi ni Twenge sinusuportahan ng kanilang pag-aaral ang ginawang pag-aaral ng American Academy of Pediatrics na nagsasabing dapat limitahan sa isang oras kada araw ang paggamit ng gadgets ng mga bata na dalawa hanggang limang taong gulang.

Ang mga school-aged children ay dapat limitahan umano sa hanggang dalawang oras.

Ang mga kabataan na mahigit sa pitong oras ang ginugugol sa screen o gadgets ay mas doble ang tyansa na magkaroon ng anxiety o depression kumpara sa mga gumagamit ng isang oras kada araw.

Ang mga pre-schoolers o wala pang limang taong gulang na mahaba ang iginugugol na oras sa screen ay

mas mataas ang tsansa na maging mainitin ang ulo.
Apat sa bawat 10 na 14-17 anyos na gumagamit ng gadget ng mahigit pitong oras ay nabibigo na makatapos ng gawain.

Isa naman sa bawat 11 bata na edad 11-13 na gumagamit ng gadget ng isang oras kada araw ay nawawalan ng interes sa mga bagong bagay.

Ginamit sa pag-aaral ang datos mula sa mahigit 40,000 bata na edad dalawa hanggang 17 taong sa Estados Unidos.

Read more...