Pondo para sa medical assistance na apektado ng tigil operasyon mg Lotto pinag-aaralan na

TINIYAK ng Palasyo na pinag-aaralan na ng pamahalaan kung saan kukunin ang pondo para sa medical assistance matapos naman  ipag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpapatigil ng operasyon ng Lotto dahil sa malawakang korupsyon.

Sa isang panayam sa DZIQ Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kabilang sa mga posibleng pagkunan ng pondo ay ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PagCor).

“E, meron pa naman tayong Pagcor, sa Office of the President, merong discretionary fund ng Presidente,” dagdag ni Panelo.

“E gaya nga ng sinabi ko kahapon, yung nangangailangan ng tulong, e sumulat lang po kayo. We will direct your request to Pagcor sa office of the President. At Makakaasa kayo na ang pamahalaan at nakalaan pa ring tumulong sa kanila,” sabi pa ni Panelo.

Ipinagtanggol din ni Panelo ang desisyon ni Duterte na itigil ang operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes (PCSO).

“Nakakatulong din pero kung ang pinagkukunan natin ay sangkot sa isang malawak na katiwalian, at the same time involved pa yung mga inaasahan natin na dapat pinagkakatiwalaan natin na bantayan, e kailangan siguro sarado na natin. Di ko alam kung permanente na yan but for now, ipasasarado niya lahat,” ayon pa kay Panelo.

Sinabi ni Panelo na tigil din ang pasok ng mga empleyado ng PCSO.

“E kung pinasarado e di sila sarado muna. E anong gagawin nila,” ayon pa kay Panelo.

Matatandaang ipinag-utos ni Duterte ang pagpapatigil ng lahat ng uri ng sugal na pinapatakbo ng PCSO, kasama na ang Lotto at STL dahil sa malawakang katiwalian.

Read more...