SA isang malaking umpukan ay pinagkumpara ang dalawang pamosong male personalities na may pagkakapareho pagdating sa pakikipagrelasyon. Parehong-pareho ang kanilang istilo kapag gusto na nilang lumabas sa relasyon.
Basta na lang sila nawawala, para silang nakikipagtaguan pung sa kanilang girlfriend kapag gusto na nilang maging malaya.
Sabi ng unang miron, “Si Male Personality A, e, ganu’ng-ganu’n! Bigla na lang siyang tumatahimik, hindi na siya nakikipag-communicate sa girlfriend niya, isang malaking question mark siyempre ’yun para sa girl!
“Kamukat-mukat mo, e, may iba na pala siyang girlfriend, meron na siyang bagong pinagkakaabalahan, samantalang clueless ang karelasyon niya.
“Ilang beses na ba niyang ginagawa ang ganu’n? Halos lahat ng nakarelasyon niya at nakahiwalay, e, ganu’n mismo ang sinasabi!
“Bigla na lang siyang nananahimik, walang alam ang girl tungkol sa location niya, ‘yun pala, e, meron na siyang bagong girlfriend,” kuwento ng source.
Junior niya si Male Personality B na ang drama naman kapag meron itong bagong gustong makarelasyon ay nagsisinungaling sa babae.
“Halos pareho lang sila ni Male Personality A, pero iba itong isa. Diretso niyang sinasabi sa bago niyang gustong karelasyon na wala na sila ng girlfriend niya.
“Pinaniniwala niya ang girl na free na siya, wala na siyang girlfriend, makuha lang niya ang matamis na oo ng girl. Ganu’n siya katindi. Nakakaya niyang palabasing wala na siyang karelasyon, samantalang wala naman silang closure nu’ng girl!
“Paasa naman ang isang ito, basta hindi na lang niya kakausapin ang girlfriend niya, dahil very busy nga kasi siya sa bagong girl!
“Di ba naman, magkapareho lang sila ni Male Personality A? Halos pareho ang atake nila sa pakikipagrelasyon! Palaging bukas ang pintuan, hindi sila nagsasarado!
“‘Yung pinakahuling girlfriend ni Male Personality A, e, panay tuloy ang hugot! Paano nga, ang alam niya, e, sila pa ng guy, ’yun pala, e, meron nang iba ‘yung boyfriend niya at siya pa ang pinakahuling nakaalam!
“Si Male Personality B naman, ayan, sunog na sunog siya ngayon dahil ang sabi niya, e, tapos na ang lahat sa kanila ng magandang female personality, pero hindi naman pala siya nagsarado ng libro!
“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, walk in the park lang kung sinu-sino ang dalawang ito, kilalang-kilala n’yo sila!” pagtatapos ng aming impormante.