Janella, Marcus bawal pang aminin ang relasyon

JANELLA SALVADOR AT MARCUS PATTERSON

May pumipigil ba kay Janella Salvador para hindi aminin in public na boyfriend na niya si Marcus Patterson?

Tinanong namin ang isang taga-Star Magic kung may bilin sila sa aktres na huwag aminin ang tungkol sa kanila ni Marcus, ang sagot sa amin, “Wala po akong alam. O, baka siya mismo ayaw niya kasi may bago siyang loveteam, si Josh (Joshua Garcia)?”

Si Joshua ang leading man ni Janella sa bagong Kapamilya teleseryeng The Killer Bride na pinagbibidahan ni Maja Salvador mula sa RCD Narratives sa bagong drama unit na pinamamahalaan ni Roda dela Cerna.

Nakita namin ang manager ni Janella bago mag-mediacon ang The Killer Bride at tinanong din namin ang tungkol sa hindi pag-amin ng aktres kay Marcus.

“Hindi ba inamin? Parang may sinulat na yata,” kaswal na sabi ni Direk Manny Valera, manager ni Janella.

Sabi namin, may nagsulat na nga pero hindi pa rin inaamin ng dalaga. Pinagbabawalan ba ni direk Manny na umamin si Janella? “Hindi ko alam kasi ‘yan, baka si Janella mismo ang may ayaw?”

Baka nga ayaw munang ibandera nina Janella at Marcus ang kanilang relasyon para hindi makaapekto sa kani-kanilang mga trabaho.

Tiyak kasi na kapag umamin nga si Janella ay tiyak na hindi siya tatantanan ng tanong tungkol dito at kung hindi ba magseselos si Marcus kay Joshua. Idagdag pa na baka hindi pa rin payag ang nanay ni Janella na si Jenine Desiderio na mag-boyfriend siya?

Anyway, pressure para kay Janella na makasama sa isang serye ang dalawang tiyahin niya sa tunay na buhay, sina Maja Salvador at Jobelle Salvador na parehong mahusay umarte.

Nagkakatawanan sa mediacon ng The Killer Bride dahil ayaw magpatawag na tita ni Maja kay Janella kaya pabiro nitong sinabing, “Ayusin mo ang sagot mo!”

Balik-tanaw ni Maja na noong baguhan palang siya sa pag-arte ay sobrang pressured siya dahil kilala ang Salvador clan sa showbiz na magagaling umarte kaya unang sabak niya ay kabang-kaba siya, mabuti na lang at nalampasan niya ang challenge.

“Kaya ngayon, na kay si Janella na (ang pressure),” sambit ng bida ng TKB.

Ano nga ba ang naging reaksyon ni Janella nang malamang makakasama sa serye sina Jobelle at Maja.

“Actually na-excite po ako nu’ng nalaman kong si ate Maja ang makakatrabaho ko kasi first time ko siyang makaka-work at laging natatanong kung related ba kami. And of course nu’ng hindi pa ako pumapasok sa showbiz, Maja Salvador na ‘yan! So, I was really excited,” sagot ng dalaga.

Mapapanood na very soon ang The Killer Bride sa ABS-CBN. Makakasama rin dito sina Geoff Eigenmann, Dominic Ochoa, Loren Burgos, Alexa Ilacad, Eric Nicolas, Keanna Reeves, Eddie Gutierrez, Aurora Sevilla, Cris Villanueva, James Blanco, Lara Quigaman, Ariella Arida at Sam Concepcion.

Read more...