Linisin ang kalye—Duterte

NOONG nakaraang Lunes, ika-22 ng Hulyo, partikular na iniutos ni Pangulong Duterte sa mga mayor ng malalaking siyudad na ayusin nila ang mga lansangan nila upang mabawasan ang sobrang lala na sitwasyon ng trapiko sa bansa. Mahalagang-mahalaga ito dahil binanggit ang utos sa mistiming State of the Nation Address ng Pangulo.

Sa totoo lang naman kasi, ang tunay na may responsibilidad ng pagayos ng trapik sa kanilang lugar ay ang mga alkalde, subalit dahil ayaw nilang suhetohin ang kanilang constituent sa takot na hindi na sila iboto muli, itinatapon nila ito sa pulis o sa kaso ng Metro Manila, sa MMDA.

Totoo, hindi madali ayusin ang trapiko sa lansangan natin dahil ang mga kalye sa bansa natin ay hindi galing sa isang planadong paglalatag kundi mga dating “carabao trails” na tinayuan ng bahay sa gilid at sa kalaunan ay sinementuhan para maging lansangan.

Dahil dito, pagewang-gewang ang karamihan sa kalye natin at kadalasan ay biglang nawawala dahil may bahay na sa dulo at magtutuloy na lamang sa kabilang bahagi ng nasabing bahay.

Pero maliban dito, hindi rin marunong gumamit ng lansangan ang Pilipino. Wala tayong sense of “communal grounds” o lugar na gamnit para sa lahat tulad ng mga sidewalks, parks, emergency bays at siyempre lansangan.

Para sa ordinaryong Pinoy, ang sementadong lugar sa harap ng bahay niya, mula sidewalk hanggang kalye ay puwede pa niyang ariing kanya at gawin ang gusto niya. Kaya makakakita ka ng kotse na nakaparada sa gilid ng kalye at nilagyan ng rehas sa paligid para maging garahe niya.

Sabi ko nga, ang tatlong pinakapopular na gamit ng sidewalk, at siyempre ng lansangan sa harap nito ay – talyer, tindahan at barangay hall. Dahil akala nila puwedeng sila ang may ari ng communal space na ito.

Kung magtatagumpay ang utos ng Pangulong Duterte na linisin ang kalye at pagaangin ang trapiko, kailangan itong magmula sa pagtuturo sa mga mamamayan na ang kalye at sidewalk ay pag-aari ng lahat at hindi maaaring angkinin ng iilan lamang.

Kailangang maituro sa atin mula pagkabata na may mga lugar sa paligid natin na gamit ng lahat at dapat din natin silang igalang kung gagamitin nila ito, hindi yung binabakuran natin para angkinin.
Pero bago matuto ang tao, kailangang matuto muna ang mga pasimuno nito. Ang mga Barangay officials, government officials, Cabinet secretaries, judges, Fiscals, Congressmen, pulis, sundalo, at lahat ng may puwesto sa gobyerno, dahil sila ang mga unang lumalabag nito.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera
2016@gmail.com.

Read more...