Unlimited day-off sa San Francisco

SAN FRANCISCO, CALIFORNIA – Kung pahirapan sa Pilipinas na makahingi ng day off sa kanilang employer, o makapag paalam man lang kahit sabihin pang may lehitimong emergency ang dahilan, kabaliktaran naman pala dito sa San Francisco.

Walang limit ang day off para sa isang manggagawa rito. Kahit kailan, kahit ilang araw, pwedeng-pwede pala silang mag day off.

May isang Pinoy professional ang nagsabing dalawa o tatlong beses lang siyang pumapasok sa isang linggo. Madalas din siyang mag day off.

Pero pareho pa rin ‘anya ang natatanggap niyang suweldo, walang bawas pati na ang kanilang mga pribilehiyo. Bukod pa diyan, libre pa ang lunch sa kanilang opisina. Dati rati pa nga ‘anya, pati breakfast at dinner libre rin.

Ginagawa ito ng maraming mga tanggapan sa San Francisco upang manatili ang kanilang mga manggagawa.

Naririto sa San Francisco at dito rin nagsimula ang naglalakihan at kilalang mga app sa buong daigdig, tulad ng Twitter, Instagram, Pinterest, Uber, Airbnb, Zynga games, Adobe at iba pa.

Kaya tiyak na mataas din ang kanilang standard para sa kanilang mga manggagawa.

Gayong unlimited ang day off, hindi ito inaabuso rito. Nasisiguro pa rin nilang nagagawa at natatapos ang kanilang mga trabaho kahit puro sila day off.

Dahil kung aabusuhin nila ang pribilehiyong unlimited day off, at hindi nila natatapos ang kanilang mga trabaho, hindi rin mangingimi ang kanilang mga employer na sibakin sila. At kapag nangyari iyon, mahihirapan na silang makakuha ng panibagong trabaho.

Dahil hindi tumatanggap ang mga employer ng bagong manggagawa kung hindi ito makakakuha ng magandang sertipikasyon mula sa kanilang dating pinagtrabahuhan. At sigurado namang hindi siya mabibigyan ng magandang rekomendasyon dahil sinibak nga siya at inabuso ang mga pribilehiyong iyon sa dating opisina.

Lahat talaga ng pribilehiyo, may kaakibat na responsibilidad. Kaya naman makikita ang sense of commitment ng ating mga kababayan dito sa San Francisco.

Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...