#Trip-trip lang: Veteran actress ‘Bulong Queen’, nagsasalita kahit walang kausap

SA isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ay napagkuwentuhan ang isang may edad nang aktres dahil sa kakaiba niyang mga salita at kilos.

Siya ang tinatawag na original bulong queen dahil madalas siyang salita nang salita nang wala naman siyang kausap. Wala lang, basta salita lang siya nang salita, ‘yun ang isa lang sa pagpansin ng kanyang mga katrabaho.

Kuwento ng isang source, “Nu’ng minsan, e, nagkatabi kami ng tent ng veteran actress. Dingding lang ang pagitan namin, kaya siyempre, dinig na dinig ko ang mga sinasabi niya.

“Malakas ang mga salita niya, para siyang may kaaway, kaya sinilip ko ang tent niya kung sino ang kalaban niya. Wala naman akong nakita du’n sa tent, nag-iisa lang siya!

“Nu’ng sabihin ko ‘yun sa isang kasamahan ko, ang sabi lang niya, e, hindi na raw bago ‘yun! Kasi nga, kahit saan, e, madalas niyang ginagawa ang pagbulong-bulong!

“Ang akala nga raw nila, e, nagme-memorize siya ng mga lines, pero hindi pala, basta bulong lang siya nang bulong!

“‘Yung karanasan ko naman, e, kakaiba, malakas siyang magsalita, meron siyang inaaway, pero nu’ng silipin ko nga ang tent niya, e, siya lang namang mag-isa ang nandu’n!

“Parang food ang pinag-aawayan nila, e, parang ayaw niya sa inorder na food ng kasama niya sa restaurant, parang ganu’n!” tawa nang tawang kuwento ng isang miron sa umpukan.

Pero impernes naman, kapag humarap na sa mga camera ang beteranang aktres ay wala ka nang masasabi sa galing niyang umarte. Take one na, papalakpakan mo pa siya, sa totoo lang.

Balik-kuwento ng source sa umpukan, “Pagkatapos ko siyang marinig na parang may kaaway sa loob ng tent, e, tinawag na siya para sa eksenang gagawin niya.

“Ang galing-galing niya, nakalimutan ko na ang narinig kong pakikipag-away niya sa tent. Parang na-mesmerize na ako sa galing niyang umarte! Tuhog ang eksena niya, tuluy-tuloy, take one siya!

“Nakakaloka lang ang na-experience ko, totoo pala ang kuwento ng mga kasamahan ko na nagsasalita siya nang mag-isa! Kinilabutan ako nu’n, sa totoo lang!” pagpatotoong chika pa ng aming impormante.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, alam n’yo na! Meron siyang pinagdaanan pero ang mahalaga ay kinalimutan na niya ang nakaraan.

Read more...