Matinding kalungkutan, paano mapaglalabanan?

FLORIDA, USA – May mga kababayan tayong na sakabila ng magandang kabuhayan, at imbes na ituon ang buong atensiyon sa sarili at pamilya, hahanap ng paraaan para makatulong sa sa kapwa.
Mayroon pa ring wagas ang puso at kalooban na handang tumulong sa iba.
Labing tatlong taon nang naninirahan dito sa Jacksonville, Florida si Maria Mylene McKaig, isang Certified Professional Life Coach, Inspirational at Motivational Speaker. Nakapangasawa siya ng isang American national.
May trabaho si McKaig, isang maybahay at abala din sa pag-aasikaso sa kapatid na may sakit sa isang estado dito sa Amerika. Pero hindi ito nakahadlang kay McKaig upang makatulong hindi lamang sa kanyang mga kapwa Pinoy kundi maging sa ibang lahi din.
Kwento ni McKaig sa kanyang “Online Counseling”, nabanggit niyang “loneliness” ang number 1 na kalaban ng nangi-ngibang bayan.
Masayahin ang mga Pinoy, at kapag nasa abroad naman, malakas ang mga samahan o asosasyon na nagbubuklod sa ating mga kababayan, ngunit hindi pa rin sapat ito kapag inaatake na ng matinding kalungkutan.
Sabi ni McKaig, hindi lang Pinoy ang nakadarama nito, kundi maging ibang lahi din. Damang dama nila ang pangungulila sa kanilang pag-iisa sa abroad.
Ang problema pa nga, hindi nila inaamin sa iba ang nararamdaman. May ilan na hahanap ng ibang outlet para maibaling ang atensiyon sa ibang bagay, ngunit di pa rin ito matatakasan.
Panandalian lamang na makakalimutan ang kalungkutan, ngunit kapag nag-iisa na naroroon na naman ang kalungkutan.
Kadalasan pa nga, sabi ni McKaig, kapag tinatanong sila kung kumusta na ba ang kalagayan nila, palaging sagot nila ay Okay naman, wala namang problema, ayos lang sila. Hindi nila inaamin ang nararamdaman, kasi nga ayaw rin nilang mag-alala ang kanilang pamilya.
Kaya naman payo ni McKaig, para sa mga nangingibang bayan, huwag matakot na maglabas ng nararamdaman, maghanap ng makakausap, maging tapat sa mga kaanak sa pagsasabing hindi sila okay.
Dahil kung hahayaan nilang lumala ang sitwasyon, hahantong ito sa matinding depresyon at kadalasan nagreresulta sa pagkitil sa kanilang buhay.
Para naman sa mga kamag-anak, bilin ni McKaig, maging mapagbantay sa inyong mga mahal sa buhay na OFW.
Maging alisto kung may napapansing pagbabago sa kaniya tulad ng pananahimik nito, hindi na masyadong masalita o kaya’y hindi na masayang kausap.
Naniniwala si McKaig na malaki ang magagawa ng pamilya at mga kaibigan na matulungan ang isang taong dumadaan sa matinding kalungkutan. Kailangan nila ang inyong suporta sa pamamagitan ng madalas na komunikasyon. Mahirap ang mag-isa sa abroad. Isipin palagi ang kalagayan nila.
Mahalagang magtakda ‘anya ng regular na schedule ng pakikipag-usap sa kanila, at dapat, parehong committed ang magkabilang panig, yaong nasa abroad at sa Pilipinas, dahil maaaring ito ang magligtas sa kanila sa isang tiyak na kapahamakan.
Kung nais ninyong makipag-ugnayan kay McKaig, magpadala ng mensahe sa pamamagitan ng messenger sa Maria Mylene McKaig o sa kaniyang website: www.mariamckaig.com

Read more...