Jeric Gonzales makakatambal si Alice sa bagong GMA series

JERIC GONZALES AT ALICE DIXSON

Naniniwala ang guwapong aktor na si Jeric Gonzales na ang hindi para sa iyo ay talagang hindi sa iyo.

Haharap na lang siya sa mga camera ng Rosang Agimat pero nagkaroon pa ng aksidente sa set ng serye.

Ang pagpanaw ng magaling na beteranong aktor na si Manoy Eddie Garcia ang naging dahilan kung bakit naisantabi muna ang serye. Tanggap ni Jeric ang ganu’ng pangyayari, wala nga namang may gusto sa naganap, kaya naghintay lang siya.

Nu’ng gabi ng Eddy’s Choice ay nakasabay namin si Jeric sa shop ni Bambbi Fuentes. Sa pag-aakala ng salon owner na hindi pa kami magkakilala ng aktor ay sinabi nito, “Tita, si Jeric Gonzales, anak namin siya dito sa shop. Mabait, walang kaere-ere, tulungan mo naman siya!”

Sabay kaming nagtawanan ni Jeric, kasi nga ay isa siya sa aming mga anak-anakan, tama ang sinabi ni Bambbi Fuentes na wala siyang kayabang-yabang, marespeto at galing sa maayos na pamilya, kaya kitang-kita ang maganda niyang breeding.

Pinaghahandaan na ngayon ng guwapong aktor ang bagong seryeng ibinigay sa kanya ng GMA 7. Ang maganda pa ring si Alice Dixson ang makakasama niya sa serye.

Habang naghihintay ang binatang aktor sa pagsisimula ng paggiling ng mga camera ng network para sa bago niyang trabaho ay hindi siya nagsasayang ng panahon.

Madalas siyang nagdyi-gym, alam niyang may kulang pa sa bulto ng kanyang katawan, ginagamit niya ang panahon sa mga makabuluhang bagay na makatutulong sa kanyang career.

Pagpasok ni Jeric Gonzales sa venue ng Eddy’s ay dinig na dinig namin ang tilian ng mga fans sa labas, itsina-chant ang kanyang pangalan, na masuyo namang ginantihan ng aktor ng pagkaway sa mga grupong nagsisigawan.

Read more...