IPINAALALA ng Department of Education sa mga paaralan ang guidelines na ipinatutupad sa mga school canteen kasunod ng napaulat na food poisoning sa Imus Institute of Science and Technology-Dimasalang Campus.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Education sinabi nito na dapat ay mayroong mga monitoring teams sa regional at division offices upang masiguro na sumusunod sa food safety standards at guidelines sa pag-operate ng canteen ang mga paaralan upang maiwasan ang food poisoning.
“DepEd enjoins all private schools to mandate the strict enforcement of food safety standards in their cafeterias including the implementation of hygienic practices on food preparation, cooking, display, serving, and storage. They shall also train all canteen personnel on proper and safe handling of food,” saad ng DepEd.
Sinabi ng DepEd na mayroon itong direktiba kaugnay ng pagsiguro na pagkain na maganda sa kalusugan ang ibenta sa mga school canteen.
Ayon sa incident report na natanggap ng DepEd mula sa Health Services Department ng Imus Institute of Science and Technology-Dimasalang Campus, 23 estudyante ang nakaranas ng pananakit ng tiyan noong Hulyo 10 at binigyan ng first aid.
Nang sumunod na araw, 39 ang isinugod sa iba’t ibang ospital—10 sa Our Lady of the Pillar Medical Center, tatlo sa Medical Center Imus, at isa sa St. Dominic Medical Center.
Ang initial diagnosis sa kanila ay acute gastroenteritis. Dalawa sa mga estudyante ang pinauwi na noong Hulyo 12.
Patuloy ang ginagawang pagsusuri upang malaman ang sanhi ng pananakit ng tiyan ng mga estudyante.